Billy Crawford nagbigay-pugay sa It’s Showtime, ABS-CBN




Public Domain Image
  • Malaki ang pasasalamat ni Billy Crawford sa ABS-CBN at It’s Showtime
  • Iyan ang inamin niya sa pilot episode ng Lunch Out Loud 
  • Sinabi niyang nahasa ang kaniyang hosting skills dahil sa Kapamilya Network

Binigyang-pugay ni Billy Crawford ang dating home network na ABS-CBN at ang dating noontime show na “It’s Showtime” sa pilot episode ng kaniyang bagong noontime show na “Lunch Out Loud” na umeere sa TV5, sa ilalim ng Brightlight Productions, nitong Oktubre 19, 2020.

Emosyonal na nagpakilala si Billy Crawford sa mga tagapanood. Binanggit niya ang kaniyang mga dating shows, lalo na ang “That’s Entertainment” sa GMA Network kung saan siya nagsimula bilang child actor-star, gayundin ang oportunidad na maging artist sa ibang bansa.

Public Domain Image

Labis-labis umano ang kaniyang pasasalamat sa ABS-CBN na kumupkop sa kaniya sa halos 12 taon, at nagbigay sa kaniya ng mga oportunidad upang maipamalas ang kaniyang husay sa hosting. Binanggit din niya ang mga dating katrabaho sa It’s Showtime, kung saan naging co-host siya ng pitong taon.

Higit daw sa lahat, sa Kapamilya Network daw niya nakilala ang kaniyang misis na si Coleen Garcia.

Sa kabilang banda, ipinaliwanag naman ni Billy na sa kabila ng pandemya at nangyari sa prangkisa ng ABS-CBN, may dumating na bagong biyaya sa kaniya, para sa panibagong yugto ng kaniyang showbiz career.

“Tulad ninyo po mga kababayan, kami rin po mga artista ay nakaranas ng kadiliman. Talagang walang pinalagpas itong pandemyang ito para sa ating lahat. Wika nga, lahat po tayo tinamaan. Tulad po ninyo, aming mga mahal na manonood, kami rin po ay nakaranas na mawalan ng trabaho. May iba sa amin nagkasakit. May iba nawawalan din ng pag-asa from time to time. We are all facing dark times,” aniya.

Kaya naman, nagpapasalamat siya sa “bagong tahanang” muling tumanggap sa kaniya at sa iba pa niyang mga kasama upang makapagpasaya at makapagbigay ng pag-asa.”

Public Domain Image

Bukod sa Lunch Out Loud, si Billy rin ang magiging host ng “Masked Singer Pilipinas.” Magiging hurado nito ang mga dati ring Kapamilya na sina Cristine Reyes, Matteo Guidicelli, at Aga Muhlach.

Source :

Facebook, PEP