Beauty Gonzalez babalik pa rin sa Kapamilya Network




Public Domain Image
  • Ipinangako ni Beauty Gonzalez na babalik siya sa Kapamilya Network
  • May gagawin pa pala siyang proyekto roon kahit na may tv series siya sa TV5
  • Ito ay ang “I Got You” kasama sina Jane Oineza at RK Bagatsing 

Inamin ni Beauty Gonzalez na babalik pa rin siya sa ABS-CBN Kapamilya Network pagkatapos ng kaniyang romantic comedy o rom-com tv series na “I Got You” kasama sina Jane Oineza at RK Bagatsing mula sa direksyon ni Dan Villegas at handog naman ng Brightlight Productions at Cornerstone Studio, na umeere sa TV5.

Sa blogger’s virtual media conference sa cast para sa nasabing programa, nilinaw ni Beauty na hindi niya tatalikuran ang Kapamilya Network. Marami kasi ang nagbigay ng kanilang mga espekulasyon na tuluyan nang lilipat sa TV5 Kapatid Network ang aktres, kasama si Dimples Romana na may show rin sa naturang network. Pinag-usapan ang kanilang markadong pagganap bilang Romina at Daniela Mondragon sa hit teleseryeng “Kadenang Ginto.”

Public Domain Image

Bago naman daw niya tanggapin ang trabaho, maayos umano siyang nagpaalam sa kaniyang mister na si Norman Crisologo gayundin sa mga ABS-CBN bosses. Naunawaan naman daw siya ng mga ito. Hindi raw makalilimutan ni Beauty na tumanaw ng utang na loob sa network na nagbigay sa kaniya ng oportunidad upang mas makilala pa bilang mahusay na aktres.

Masaya raw siya dahil kahit may pandemya ay masigla pa rin ang showbiz. Nagpapasalamat siya kay dating Congressman Albee Benitez dahil nabigyan sila ng pagkakataong makapagtrabaho at maipakita ang talento ng mga artista.

May gagawing proyekto si Beauty sa Kapamilya Network at maaaring magkasama ulit sila ni Dimples, na nauna nang nagsabing isa pa rin siyang certified Kapamilya dahil nasa ilalim pa rin siya ng pamamahala ng Star Magic, ang talent-management arm ng network.

Mapapanood ang “I Got You” twuing Linggo sa TV5 pagkatapos ng “Sunday Noontime Live.”

Public Domain Image