Batang nagtitinda ng face shield habang nag-oonline class nagpaantig sa damdamin




Imahe mula sa Facebook account ni Richard Rubrica
  • Naantig ang damdamin ng mga netizens sa isang batang babae
  • Naispatan kasi itong nagtitinda ng face shield sa kalsada 
  • Ang nakamamangha, naisasabay pa nito ang pagdalo sa online class

“Ang batang masikap ay tiyak na makakamit ang kaniyang mga pangarap.”

Nagpaantig sa damdamin ng mga netizens ang Facebook post ng isang concerned citizen na nagngangalang “Richard Rubrica” matapos niyang itampok ang naispatang batang babae, na nagtitinda ng face shield sa hagdanan ng isang mall, habang dumadalo sa online class. Itinago niya ang bata sa pangalang “Nene.”

Imahe mula sa Facebook account ni Richard Rubrica

Pinamagatan niyang “Online class” ang kaniyang post na nagpapakita ng pagsusumikap ni Nene na maghanapbuhay sa murang edad, at makatapos ng pag-aaral, sa kabila ng hirap na nararanasan ng karamihan, lalo na yaong kompleto naman sa device at internet connection.

“Isang eksenanga kala mo sa pelikula lang makikita. Ngunit, ito ang mukha ng Pilipinong mag-aaral ngayong “New Abnormal.” Marami sa ating mga mag-aaral ang pinipilit na makasabay sa sistemang ito kahit batid natin na hindi sapat ang ating kahandaan dito,” aniya.

“Maging ang mga guro ay nangangapa pa rin sa dilim kung paano maaabot ang kanilang mga mag-aaral. Ngunit syempre, tulad ng laging gawi lalagyan ‘nila’  tayo ng ‘band-aid’ at ikukubli sa ‘face shield’ ang totoong lagay ng ating sistema ng edukasyon,” dagdag pa niya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Despite these and all, nakaka-proud siya kasi she’s trying her best amidst the state of her time,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “MABUHAY KA NENE! Sa tulad mong kabataan, may pag-asa pa ang bayan! Sana naman ay magkaroon ka ng mga oportunidad upang maging iskolar sa kolehiyo.”

Public Domain Image

“Nakakalungkot talaga makita ang ganitong eksena, na dapat sa bahay nag-aaral ang mga bata, ngunit kailangan pa nilang maghanapbuhay,” wika naman ng isa.

Si “Nene” daw ay makikitang nagtitinda ng face shields sa gilid ng isang sikat na drugstore sa tabi ng Zabarte Mall sa North Caloocan City.

Source :

Facebook