Anak ng guro ibinahagi ang karanasan ng ina sa mga “pasaway” na mag-aaral sa online class




Imahe mula sa Facebook account ni Annabelle Custodio / Public Domain Image
  • Ibinahagi ng isang anak ng guro ang mga obserbasyon niya sa online class ng ina
  • Hindi siya makapaniwala sa mga inasal ng mga mag-aaral nito
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Kung nahihirapan ang mga mag-aaral at magulang sa online class, mas doble ang hirap na nararanasan ng mga guro. Pagdating pa lamang sa mga paghahanda para dito, talagang “madugo” na. Bukod sa kailangan pang aralin ang mga ituturo, ginagamay rin ang sarili sa paggamit ng makabagong teknolohiya kagaya na lamang sa mga video conferencing apps na ginagamit upang makaharap ang mga mag-aaral.

Kaya naman, ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Annabelle” sa kaniyang Facebook post ang larawan ng kaniyang inang guro habang ito ay nagsasagawa ng online class. Isinalaysay rin niya ang kaniyang mga obserbasyon habang nangyayari ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Annabelle Custodio

Hindi umano makapaniwala ang netizen na may mga mag-aaral na nakukuha pang magpasaway kahit nahihirapan na nga ang lahat sa online class. Base umano sa ginagawa ng mga ito, mukhang “pinagtitripan” ang kaniyang kaawa-awang ina.

“Habang nag-oonline class nanay ko, may isang estudyante na paulit-ulit sinasabi na ‘Ma’am maingay,’  ‘Ma’am ang ingay talaga,’  ‘Ang sakit po sa tenga’ eh wala namang maingay. Tapos ‘yung dalawang estudyante hagikgik nang hagikgik. Eh di sabi ko sa nanay na pinagtitripan lang siya,” saad sa unang talata ng kaniyang caption.

“Maya-maya nagsasabi ng activity nanay ko sabat nitong isa, ‘Ay Ma’am nagawa na po natin ‘yan.’ Eh ngayon first day nila so sabi ng nanay ko ‘Ngayon ko pa lang ito ipapagawa sa inyo.’ Tapos babanat ‘tong isa na ‘Joke lang Ma’am. Mukha bang nakikipaglokohan nanay ko sa inyo? Ang babata pa ‘di na marunong rumespeto,” dagdag pa niya.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Nak, hug mo si Mama mo. Hindi alam ng mga batang ‘yan ang struggles para maging successful ang school year na ito,” saad ng isa.

Public Domain Image

Turan naman ng isa, “Iyan yung mga klase ng estudyante na kapag bagsak daming reklamo, madalas sinisisi pa sa guro bakit bagsak eh wala namang bilang sa klase.”

Kung ikaw ay isang mag-aaral, igalang ang iyong mga guro bilang pangalawang magulang. Kung ikaw ay isang magulang, turuan ang mga anak na igalang ang mga guro, kung paano mo gustong igalang at itrato nila. Kung ikaw naman ay guro, gawin lamang ang tungkulin nang may pagmamahal, mahabang pisi, at malawak na pang-unawa.

Pasasaan ba’t malalagpasan din natin ang hamong ito.

Source :

Facebook