“All out party” na bakbakan ng mga musical variety shows sa Sunday noontime pinag-usapan




Public Domain Image
  • Tatlo na ang aabangang noontime musical variety shows tuwing Linggo
  • Bukod sa ASAP Natin ‘To at All-Out Sundays, nagsimula na rin ang Sunday Noontime Live
  • Kaniya-kaniyang reaksyon at saloobin naman ang mga viewers sa kanilang napanood nitong Oktubre 18, 2020

Nagbakbakan na nga ang mga musical variety shows ng ABS-CBN/Kapamilya/A2Z Channel, TV5, at GMA Network nitong Sunday noontime ng Oktubre 18, 2020 na talaga namang pinag-usapan ng mga netizens, lalo na sa Twitter world.

Kaniya-kaniyang pagbibigay ng komento ang mga netizens kung ano ang pinanood nilang musical variety show: ito ba ay ang pinakamatagal at hindi matibag na “ASAP Natin ‘To” ng mga Kapamilya, ang “All-Out Sundays o AOS ng mga Kapuso, at ang pinakabagong “Sunday Noontime Live” ng mga Kapatid.

Imahe mula sa Twitter account ng ASAP Natin ‘To

Batay sa Twitter trending list, nagkakapalitan sa number #1 spot ang “ASAP Natin ‘To” na ang naging tema ay  “One Big Family Celebration.” Maganda naman ang naging pagtanggap ng publiko sa pilot episode ng “Sunday Noontime Live” na may hashtag na #SNLWelcomeParty na pinangungunahan nina Piolo Pascual, Catriona Gray, Donny Pangilinan, Jake Ejercito, at Maja Salvador.

Samantala, hindi naman nakapasok ang “All-Out Sundays” sa top 10 at inulan ito ng mga negatibong reaksyon at puna dahil sa mga segments nito na hindi raw maipantatapat sa mga musical variety shows na kalaban nila. Marami sa mga netizens ang nakikiusap sa pamunuan ng GMA Network na magsagawa ng reformatting o pagbabago sa ilang mga segments nito.

Imahe mula sa Twitter account ng All-Out Sundays

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens.

“Congratulations, ASAP Natin ‘To! You made it again! Thank you for giving us world-class performances. Kayo ang standards niyan na pamamarisan ng mga katapat ninyo. You are undisputed at wala nang makakatibag sa inyo,” sabi ng isa para sa ASAP Natin ‘To.

Turan naman ng isa para sa SNL, “Not bad! You exceeded our expectations. Pasabog ang opening! Magaling talaga si Mr. M and the other Kapamilya artists na nariyan. Good job!”

Imahe mula sa Twitter account ng Sunday Noontime Live

“Maganda ang opening number ng AOS… pero sana, pakinggan naman po ninyo ang mga viewers at fans, enough na po sa mga comedy skits and parlor games. Leave it to your comedy shows. Marami po kayong magagaling na artists. Showcase their talents in singing and dancing. Keep up naman po, mas pinanood pa yata ang bagong show kaysa sa episode today,” wika naman ng isa patungkol sa AOS.

Mula Lunes hanggang Sabado, ang inaabangang tagisan naman ay ang “It’s Showtime,” “Eat Bulaga,” at ang pinakabagong noontime show ng TV5 at Brightlight Productions na “Lunch Out Loud” nina Billy Crawford, Alex Gonzaga, K Brosas, Wacky Kiray, Macoy Dubs, Isabelle Daza, at nagbabalik-telebisyon na si KC Montero.

Ang Sunday Noontime Live ay nasa ilalim ng Brightlight Productions ni dating Negros Occidental Congressman Albee Benitez.

Abangan natin ang mga susunod na kabanata sa tagisang ito ng mga Sunday noontime musical variety shows na ang layunin lamang naman ay magbigay ng entertainment sa lahat, Kapamilya, Kapatid, o Kapuso man, sa kabila ng hinaharap na pandemya!

Source :

Twitter, Twitter