Aesthetic lighting ng San Juanico Bridge ibinida




Public Domain Image
  • Naging matagumpay ang test run ng aesthetic lighting ng San Juanico Bridge
  • Ito ay proyekto ng DOT-Eastern Visayas at TIEZA
  • Ang San Juanico Bridge ay mahabang tulay na nagdurugtong sa Samar at Leyte 

Tila malaking “Christmas lights” ang dating ng aesthetic lighting ng sikat na San Juanico Bridge na nagdurugtong sa mga lalawigan ng Samar at Leyte sa Visayas, matapos itong pailawin noong Sabado ng gabi, Oktubre 10, 2020, na proyekto ng Department of Tourism o DOT-Eastern Visayas at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.

Ayon sa director ng DOT-Eastern Visayas na si Karen Tiopes, ang naturang test run sa kanilang proyektong aesthetic lighting project ay inaasahang matatapos hanggang sa Disyembre bago matapos ang 2020, na nadelay ang konstruksyon dulot na rin ng pandemya. Ang naturang proyekto ay nagkakahalagang 80 milyong piso.

Public Domain Image

Ayon naman kay Samar 2nd District Representative Sharee Ann Tan, naniniwala siyang matatapos din ang suliranin ng bansa kontra COVID-19 kaya kailangang panatilihin pa rin ang kasiyahan at huwag magpalamon sa lungkot at pangambang idinulot ng pandemya.

Pinasalamatan niya si DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang pamunuan ng TIEZA, at iba pang mga kapwa opisyal sa pagsuporta sa naturang proyekto, sa kabila ng pagbatikos ng marami sa mga isinasagawang beautification project ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan, tulad ng pagpapaganda ng Manila Bay sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa, at maging ng buong daigdig.

“It is not about the lighting itself, but the interest that will be generated and eventually the economic benefits of the project,” ani Tan.

“I look forward to the completion of the project and to that day when we can once again witness and experience our people’s warmth and hospitality, our culture and food and our sites,” dagdag pa niya.

Naniniwala si Tan na makadaragdag-atraksyon ang naturang aesthetic lighting sa mga residente at maging sa mga turista, at magbibigay ng positibo at optimistikong pakiramdam, na hindi dapat mawalan ng pag-asa sa kabila ng krisis na kinahaharap ng lahat.

Public Domain Image

Matatandaang hinagunot din ang naturang mga lalawigan ng kalamidad, sa pananalasa ng bagyong Yolanda, na nagwasak sa maraming mga ari-arian at nagpagupo sa maraming mga buhay.

Ang San Juanico Bridge ay mahabang tulay na nagdurugtong sa Samar at Leyte na sinimulang gawin noong 1969 at natapos noong 1972.