Teleserye nina Angelica, Paulo, Zanjoe, at Arci tuloy na tuloy na




Image capture mula sa YouTube channel
  • Matutuloy na ang bagong teleserye ng Kapamilya Channel
  • Ito ay may pamagat na “Walang Hanggang Paalam” na dating  “Burado”
  • Ang mga bida nito ay sina Angelica Panganiban, Paulo Avelino, Zanjoe Marudo, at Arci Muñoz

Tuloy na tuloy na ang isa sa mga bagong teleserye ng Kapamilya Channel na “Walang Hanggang Paalam” nina Angelica Panganiban at Paulo Avelino kasama pa sina Zanjoe Marudo at Arci Muñoz, ayon na rin sa lumabas na teaser nito noong Setyembre 4, 2020.

Kuwento umano ito ng hiwalay na mag-asawa na muling nagkasama dahil sa kanilang anak na nakidnap. May kani-kaniya na silang mga partner, na gagampanan naman nina Zanjoe at Arci.

Image capture mula sa YouTube channel

Kabilang ito sa bagong teleserye ng Kapamilya Network matapos ang pagpayag na makapag-taping na ang mga artista pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine o ECQ dahil sa pandemya, at pagkakatanggal sa maraming mga empleyado ng ABS-CBN dahil sa pagbasura ng Kamara sa franchise renewal ng tv network.

Matatandaang ang orihinal na pangalan ng teleserye ay “Burado” at ang mga orihinal na cast nito ay sina Julia Montes, Nadine Lustre, at Thai actor na si Denkhun Ngamnet.

Burado na talaga? Teleseryeng ‘Burado’ ng Kapamilya Channel hindi na tuloy

Bago pa man ang outbreak ng COVID-19 ay nakapagsimula na sila ng shooting sa Thailand at balak pang magtungo sa iba pang mga bansa. Dahil nga sa kasalukuyang kalagayan ng buong daigdig dahil sa pandemya, imposible na ang makapag-shooting, lalo’t ang genre nito ay action-drama.

Isa pang kinonsidera ay ang pagtanggi ni Denkhun Ngamnet na ipagpatuloy pa ang shooting dahil na rin sa pandemya.

Dahil din dito, nag-back out na umano ang lead stars na sina Nadine at Julia, at napabalitang ang papalit sa kanila ay sina Arci Muñoz at Angelica Panganiban. Papalitan din umano ang pamagat ng serye sa “Walang Hanggang Paalam,” na ngayon ay tuloy na tuloy na.

Public Domain Image

Ang “Walang Hanggang Paalam” ay mapapanood sa cable TV sa pamamagitan ng Kapamilya Channel at online streaming ng Kapamilya Network na Kapamilya Online Live. Wala pa namang tiyak na petsa kung kailan eere ito.

Bukod dito, tuloy rin umano ang teleseryeng  “Kahit Minsan Lang” ni Bea Alonzo at “Ang Lihim ni Ligaya” ni Ivana Alawi. Nagsimula nang mamayagpag sa Primetime Bida ang “Ang Sa Iyo Ay Akin”  nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Sam Milby, at Maricel Soriano.

Samantala, panoorin ang teaser ng “Walang Hanggang Paalam”  via ABS-CBN Entertainment/YouTube channel.