“Stay at Home Low-budget” na photo shoot hinangaan




Imahe mula sa Facebook account ni Cijan Cimagala
  • Ibinida ng isang netizen ang kaniyang mga kuhang larawan
  • Tinawag niya itong “stay at home low-budget photo shoot
  • Cellphone at mobile editing app lamang ang gamit niya

Ipinagmalaki ng isang photographer mula sa Bohol ang kaniyang “stay at home low-budget photo shoot” na talaga namang kahanga-hanga at kabilib-bilib dahil mga gamit sa bahay o mga halaman lamang sa kanilang paligid ang ginamit na props para dito.

Makikita sa social media platforms ni Cijan Cimagala ang kaniyang mga photo shoot gamit lamang ang kaniyang cellphone. Gumagamit lamang siya ng mobile editing app kaya napapa-wow ang sinomang nakakakita sa kaniyang mga kuhang larawan. Pag-amin niya, pangarap niyang maging isang professional photographer, subalit wala naman siyang pambili ng mamahaling camera.

Imahe mula sa Facebook account ni Cijan Cimagala

“Hello guys, another photo shoot namin. Ang ginamit namin ay mga dahon na kinuha lang namin sa aming bakuran. Cellphone pa rin ang gamit ko guys, wala po kasi akong DSLR camera. At sana magustuhan ninyo ito guys,” ayon sa kaniyang Facebook post.

Ang mga naging models niya ay mga kapatid at pinsan niya. Namitas naman sila ng mga halaman sa kanilang paligid upang maging props. Pangarap niyang maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan, kung susuwertihing makabili o makakuha ng professional camera.

“Gusto ko pong maging photographer. Isa sa mga dahilan ay gusto ko pong maihaon sa kahirapan ang aking pamilya at gusto ko pong maibahagi na kailangan lang maging madiskarte para magkaroon ng magandang kuha ng photos,” aniya.

Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Creative and resourceful. Big respect for your dedication toward your goal. Keep it up!”

“O pak! Ang mga Pinoy talaga ‘di lang creative, resourceful pa. Hindi hadlang ang katayuan sa buhay para maipakita ang talent. Kudos! Ipagpatuloy mo lang iyan. Malay mo may makakita sa iyo at bigyan ka ng camera, o bigyan  ka ng work,” papuri at payo naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Cijan Cimagala

Turan naman ng isa, “He’s actually good kulang lang talaga sa gamit. Isa pa, cellphone and app pang-edit lang gamit niya. Cellphone na low quality pa. But he actually have that skills though.”

Kudos sa iyo, Cijan! Ipagpatuloy mo lamang ang iyong talento! Malayo ang mararating mo!