Sana all! Mga larawan ng aso at pusang magkayakap kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Papa
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang mga larawan ng aso at pusa
  • Hindi sila nag-aaway o naghahabulan
  • Magkakatabi silang matulog at magkayakap pa

Sanay tayong itinuturing na “magkalaban” ang aso at pusa, subalit hindi tayo sanay na makakita ng aso at pusang natutulog nang magkatabi at magkayakap pa. Posible pala iyon?

Kinaaliwan ng mga netizens ang mga larawan ng isang aso at pusang magkayakap habang mahimbing na natutulog sa Facebook page na “Papa.” Himbing na himbing at parang komportable sa isa’t ang aso at pusa habang nakahimlay sa isang sako, na nakalapag naman sa semento. Mapapa-“sana all” ka talaga lalo na sa mga single!

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wow naman! Buti pa ang aso at pusa, nagkabati na at magkayakapan pa! Sana all talaga!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ibig sabihin, komportable na sila sa isa’t isa o iisa lang ang amo nila kaya hindi na sila magkagalit kasi nasanay na silang nagkikita. Swwet naman! Sana mga tayo ganiyan din. Hindi tina=itingnan ang mga pagkakaiba-iba sa buhay, mapa-Kristiyano o Muslim ay magmahalan dapat.”

“Malapit na ang Pasko, buti pa ang aso at pusa na iyan may kayakap na. Ako, SMP pa rin hehehe,” wika naman ng isa.

Ipinaliliwanag ng ilang mga alamat sa Pilipinas kung bakit nga ba “magkagalit” at itinuturing na magkaaway ang aso at pusa. Noong bata pa raw ang mundo, ang aso, pusa at daga ay mga matatalik na magkakaibigan. Nakatira sila sa loob ng isang bahay ng kanilang amo na siya namang nagbibigay sa kanila ng masarap na pagkain.

Isang araw, nagluto raw ang kanilang amo ng isang malaking hiwa ng karneng baka. Ipapakain niya ang karne sa bisitang darating kinagabihan. Dahil kinakailangan niyang magtungo sa bukid upang diligan ang mga tanim, tinawag niya ang kanyang alagang aso, pusa at daga.

Public Domain Image

Upang makain ng daga ang naturang karne, gumawa siya ng kuwento upang mapaalis ang aso at pusa. Sinabi ng daga sa pusa na pinapasabi ng aso na matulog muna siya. Sinabi naman ng daga sa aso na inuutusan siya ng pusa na magbantay sa labas ng bahay.

Nang maisakatuparan ito, kinain ng daga ang karne. Pagdating ng kanilang amo, galit na galit ito. Iyon daw ang dahilan kung bakit laging nagtatago sa sulok o butas ang daga. Nasira naman daw ang relasyon ng aso at pusa dahil lagi silang nagsisisihan sa mga nangyari.

Subalit batay sa mga larawan, masasabing maaari pala silang “magmahalan.”