QC hindi nagpahuli; namigay ng libreng tablet para sa mga mag-aaral




Imahe mula sa Facebook account ni Alain Pascua / Quezon City Government
  • Hindi nagpahuli ang Quezon  City
  • Nagpamahagi sila ng 176,000 tablets sa mga mag-aaral ng high school
  • Gagamitin nila ito para sa online learning

Hindi nagpahuli ang Quezon City sa pamamahagi ng mga libreng tablets sa mga mag-aaral at guro bilang paghahanda para sa pagbubukas ng mga klase sa pampublikong paaralan, sa darating na Oktubre 5, 2020, sa pamamagitan ng distance/blended learning.

Ibinida mismo ni DepEd Undersecretary Alain Pascua ang magandang hakbang na ito ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa kaniyang Facebook post. Aniya, mga nasa 176,000 tablets ang naipamahagi sa mga mag-aaral sa high school, katuwang ang Schools Division Office of Quezon City.

Imahe mula sa Facebook account ni Alain Pascua / Quezon City Government

“Ang Quezon City, hindi rin papahuli sa suporta sa Edukasyon! Nagpamahagi rin ng 176,000 na tablets para sa mga high school learners sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte at kaniyang mga kasamahan sa QC LGU, kabilang na ang Schools Division Office of Quezon City,” ayon sa Facebook post ni Pascua.

Dagdag pa niya, “Inaasahang malaking tulong ito para sa online at modular learning na itinutulak para sa darating na pagbubukas ng School Year 2020-2021. Mula sa DepEd, maraming maraming salamat po Mayor Joy!”

Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang ceremonial turn over ng 176,000 Samsung tablets para sa nag-enrol na mag-aaral sa high school sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City. May custom software ang tablets na ito at lahat ng app na kakailanganin ng mga estudyante ay naka-install na dito.

Ayon sa ulat na makikita sa opisyal na Facebook page ng Quezon City Local Government, ang tablets na ito ay bahagi ng 2.9 bilyong pisong supplemental budget na inaprubahan ng Quezon City Local School Board. Kasama sa naturang budget ang pagbibigay ng kaukulang allowance sa mga guro at pamamahagi ng learning kits (flash drives, modules at printed materials) at hygiene kits (sabon, alcohol, atbp) para sa mga mag-aaral.

Imahe mula sa Facebook account ni Alain Pascua / Quezon City Government

Nauna na ritong magpamahagi ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Pasig, na sinusundan na rin ng iba pang mga lungsod.