Propesor na itinuturing na “dragon” sa pamantasan namahagi ng computer set sa mga mag-aaral




Imahe mula sa Facebook account ni Allen Rabin
  • Namahagi ng computer set ang isang propesor 
  • Sabi ng mag-aaral, isa raw sa mga “pitong dragon” ang guro sa kanilang pamantasan
  • Sa halip na apoy, pag-aalaga at pagmamahal ang ibinubuga nito

Sabi nga, “Looks can be deceiving.” Hindi porke’t mukhang masungit o mataray ang isang tao, masama na ang kaniyang ugali, o wala na siyang pakikipagkapwa-tao.

Iyan ang napatunayan ng isang mag-aaral sa kolehiyo na nagngangalang “Allen Rabin” matapos niyang ipagmalaki sa kaniyang Facebook post ang isa sa kanilang mga propesor na si Dr. Minerva Atanacio na nagtuturo ng Physical Education sa Philippine Normal University o PNU sa Taft Avenue, Maynila, na namahagi sa kanila ng computer set na magagamit nila sa kanilang online class.

Imahe mula sa Facebook account ni Allen Rabin

“Maraming salamat po Dr. Minerva Atanacio para dito sa computer set na ibinigay po ninyo sa amin, magiging malaking tulong po ito sa aming online classes,” pasasalamat ng mag-aaral.

Ayon pa kay Rabin, ang naturang propesor ay isa sa mga “pitong dragon” o kinatatakutang guro sa naturang pamantasan na tinaguriang “National Center for Teacher Education” dahil kilala ito bilang institusyong akademiko para sa mga nagnanais at nangangarap na maging guro ng bayan. Pinatunayan daw ng aktong ito ni Atanacio na wala sa pagiging istrikto sa klase o pagiging masungit ang kabutihan ng isang tao.

“PS: Si Ma’am A ay isa sa mga pitong dragon ng Normal kung sa tingin ninyo purong kasungitan at pagiging istrikto lang ang mayroon siya baka mabago nito ang isip ninyo,” aniya.

Agad namang tumugon ang naturang butihing propesor na tinawag na “Ma’am A.”

“You’re welcome Rabin. I’m happy to assist students who are eager to finish their studies and to go through this challenging times. Hope it can help you on your online classes. God bless.”

Napa-“sana all” tuloy ang mga netizens sa kanilang nasaksihan.

“GRABE! Nakaka-miss naman si Ma’am A. God bless you po, Ma’am!” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Dragon, pero matinding apoy ng pag-aalaga at pagmamahal ang binubuga. Maraming salamat po Dr. Atanacio for being so generous and kind-hearted to your students! They will surely appreciate this!”

Nakaka-good vibes, hindi ba?

Source :

Facebook