Programa nina Jessica Soho, Arnold Clavio sa GMA News TV mawawala na




Public Domain Image
  • Hindi na ibabalik sa ere ang dalawang award-winning TV programs ng GMA News TV 
  • Ito ay ang State of the Nation ni Jessica Soho at Tonight With Arnold Clavio
  • Bahagi ito ng retrenchment ng pamunuan ng GMA Network dahil sa epekto ng pandemya

Tuluyan nang mawawala sa ere ang award-winning TV programs ng GMA News TV na State of the Nation ni Jessica Soho at Tonight With Arnold Clavio, dahil sa epekto na rin sa ginagawang retrenchment ng GMA Network, na naapektuhan din ng pandemya.

Ang State of The Nation ay newscast ni Jessica habang ang Tonight With Arnold Clavio ay ipinapalabas tuwing Miyerkules ng gabi.

Public Domain Image

Napagpasyahan ng pamunuan ng GMA na tuluyan nang sibakin ang mga programang natigil sa pag-ere sa loob ng anim na buwan; dulot na rin ng mga pinatupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ na nagdulot ng limitasyon sa galaw ng mga tao.

Huling telecast ng State of the Nation ay noon pang Marso 18, 2020 dahil sa ECQ, bagama’t paminsan-minsan ay humahalili si Jessica kay Mel Tiangco sa 24 Oras. Lungkot na lungkot naman ang mga staff ng naturang newscast dahil sa nangyari, subalit umaasa pa rin silang muli itong magbabalik.

Award-winning pa naman ang naturang programa, na kinilala bilang Outstanding News Program sa ENPRESS Golden Screen TV Awards noong 2013 at 2014, at Best News Program sa PMPC Star Awards for Television noong 2014 at 2015. Best Female News Presenter naman si Jessica sa PMPC Star Awards for Television noong 2014 at 2015.

Halos isang dekada ring umere ang celebrity-oriented talk show na Tonight With Arnold Clavio na unang napanood sa QTV (dating GMA News TV) 11 noong Abril 5, 2010.

Public Domain Image

Bukod sa dalawang tv programs na ito, bali-balitang marami pa sa mga programang natigil sa pag-ere sa loob ng anim na buwan ang tuluyan nang sisibakin bilang bahagi ng pagtitipid ng kompanya. Prayoridad kasing mabigyan ng trabaho ang mga staff ng News and Public Affairs sa GMA Network.

Magbibigay umano ng opisyal na pahayag ang GMA Network tungkol sa desisyon ng pamunuan na isara ang mga programa ng GMA News TV na hindi na umeere simula nang magsimula ang ECQ.

Source :

PEP