Panawagan ni Teddy Corpuz sa mga online schools: “Hinay-hinay lang po sa mga requirements”




Public Domain Image
  • Nanawagan si Teddy Corpuz sa mga online schools
  • Hinay-hinay lamang daw sa pagbibigay ng mga assignments at activities sa mga bata
  • Pati raw mga magulang ay nahihirapan at nag-aadjust pa

Isa ang “It’s Showtime” host at founder ng bandang Rocksteddy na si Teddy Corpuz sa mga celebrity na tahasang tumutol sa pagbubukas ng mga klase sa pamamagitan ng online class, dahil hindi raw nakatitiyak kung talaga nga bang mabisa ito, lalo na’t hindi naman lahat ay may internet access at device o gadget.

Subalit dahil tuloy na tuloy pa rin ang mga klase, lalo na sa mga pribadong paaralan, walang magagawa kundi tumalima na lamang dito. Nitong Setyembre 5, 2020, nanawagan si Teddy sa mga online schools na maghinay-hinay naman sa pagbibigay ng mga gawain sa mga bata, lalo na’t nahihirapan din ang mga magulang sa adjustment na ito.

Imahe mula sa twitter account ni Teddy Corpuz

“Dear online schools, hinay-hinay lang po sana sa pagbibigay ng mga assignments especially sa mga elementary level. Give time sa mga bata para masanay mag-type sa keyboard, open and save files, search sa internet etc. Kaming mga parents nga nalilito ano pa yung mga anak namin,” ayon sa kaniyang Twitter post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Totoo kuys. Kami nga pong mga college na nalilito at nahihirapan na sa sobrang daming pinapagawang activities. Elementary level pa kaya. Pensive face hirap ng sitwasyon ngayon sa pag-aaral” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Pasalamat nga po kayo at may internet and device pa kayo. Yung iba po, gustong mag-aral pero wala niyan.”

“Sana lahat may internet connection at may gadget para sa online class. Yung dalawa kong anak, maghahati sa isang cellphone. Buti na lang umayon yung oras, magkasunod ang klase nila. Naglo-load lang kami araw-araw para sa online class nila. Hirap!” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Pagbabahagi naman ng isa, “I can relate po Kuya Teddy. Four years old anak ko and yung teacher was using a writing board on a shared screen para doon mag-answer yung mga bata. Nawawalan ng gana yung bata kasi she doesn’t know how to use the mouse or the touch pad properly and she can’t answer the activity.”

Sa kabila ng mga reklamo at panawagan para sa academic freeze ngayong school year habang may pandemya pa, nanindigan ang Department of Education o DepEd na tuloy na tuloy pa rin ang pagbubukas ng mga klase sa Oktubre 5, 2020.