Paano napatunayan ang salawikaing “Kapag may isinuksok ay may madudukot” ngayong pandemya?




Public Domain Image
  • Isa sa mga salawikain ang “Kapag may isinuksok, may madudukot” 
  • Pumapatungkol ito sa kahalagahan ng pag-iimpok ng pera
  • Napatunayan daw ang halaga ng pagkakaroon ng ipon sa panahon ng pandemya

Madalas ay naririnig natin sa mga nakatatanda ang salawikaing “Kapag may isinuksok, may madudukot” na pumapatungkol sa habit ng pag-iimpok o pag-iipon ng pera upang may magamit sa panahon ng matinding pangangailangan.

Madalas ay nababalewala ito lalo na ng mga taong may konseptong “You Only Live Once” o YOLO, subalit sa panahon ng pandemya, napatunayan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng savings, na sinasabing kahit maliit lamang na halaga ay sadyang mahalaga.

Public Domain Image

Kagaya na lamang ni Mang Nestor, 36 na taong gulang, at isang magtataho sa umaga at magbabalut naman sa gabi. Noong panahong nasa normal pa ang lahat at wala pa ang COVID-19, nasusuyod niya ang iba’t ibang lansangan at kasuluk-sulukan ng Maynila upang maglako ng taho at balut. Malaki-laki rin ang kaniyang tubo at agad na itinatabi ang pamuhunan.

Subalit nang sumiklab ang pandemya at nagkaroon ng kautusan ang pamahalaan na isailalim sa community quarantine ang National Capital Region, hindi na nakapaglako pa si Mang Nestor. Ipinagbawal kasi ang paglabas-labas, at isa pa, dahil nga bawal ito, wala rin talagang tao sa labas upang bumili ng kaniyang paninda.

Mabuti na lamang at nakapag-ipon siya sa kaniyang malaking kawayang alkansiya. Tinitiyak niyang nakapaghuhulog siya rito kahit 20 o 50 piso. Nang buksan niya ito, nagulat siya dahil tumataginting na P32,500 ang laman nito; bunga ng halos tatlong taong pag-iipon.

“Mas maigi talaga ang may ipon, kasi hindi ka aasa sa ibang tao. Mas masarap talaga na may mahuhugot kang pera kapag nangailangan ka,” ani Mang Nestor.

Samantala, laging ipinapayo ng mga financial expert na ang pag-iipon ay wala sa laki ng kita o suweldo kundi nasa disiplina. Kailangan daw maging mentalidad ng mga Pilipino na “bayaran muna ang sarili” bago ang iba; matuto munang mag-impok bago gumasta.

Public Domain Image

Maraming paraan upang maisakatuparan ang “Kapag may isinuksok, may madudukot.” Gamitin ang social media o internet upang matuto sa sarili dahil iba pa rin kapag may ipon!

Ikaw, may naiisip ka bang salawikain hinggil sa pag-iipon? Bakit hindi mom ibahagi at magbigay ng inspirasyon!