Mga tulong bumaha para sa mister na pinapasan lamang ang misis sa paglalakad mula Bulacan hanggang Novaliches




Imahe mula sa Facebook account ni Ayla Conda
  • Dumagsa ang tulong sa mag-asawang naglalakad lamang mula Bulacan hanggang Quezon City
  • Pasan-pasan sa likod ng mister ang kaniyang misis na may kapansanan
  • Balak nilang magtayo ng maliit na tindahan upang hindi na mamasura

Kamakailan lamang ay pinag-usapan ng mga netizens at naging laman ng mga balita ang isang mister na taga-San Jose Del Monte, Bulacan na naglalakad ng halos tatlong oras patungong Novaliches, Quezon City habang pasan-pasan sa kaniyang likuran ang misis na may kapansanan.

Unang ibinahagi ng isang concerned netizen na nagngangalang “Ayla Conda” ang kuwento ng mag-asawang sina Jeroy at Nina na matiyagang binabaybay ang kahabaan ng Quirino Highway mula Bulacan hanggang Quezon City para lamang makapagtrabaho bilang karpintero at muli silang maglalakad pauwi, kaya naman namumulot na lamang din sila ng basura upang mangalakal.

Imahe mula sa Facebook account ni Ayla Conda

Wala raw kasing pambili ng face shield ang mag-asawa kaya hindi sila makasakay ng bus. Kaya naman, pinili na lamang ni Kuya Jeroy na pasanin ang kaniyang misis na si Nina dahil hindi niya ito maaaring iwanan dahil sa iniinda nito.

Dahil maraming mga netizens ang namangha at napabilib sa samahan ng mag-asawang ito, dumagsa ang iba’t ibang tulong mula sa mga nagmalasakit at may mabubuting kalooban.

Sa dami ng biyayang natanggap, sapat na umano ito upang makapagbukas ng maliit na tindahan si Jeroy at ihinto ang pamumulot ng mga basurang maaaring ikalakal. Plano niya, magtatayo na lamang sila ng munting sari-sari store upang sa gayon ay mapipirmi na lamang sila sa kanilang tirahan.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kawawa naman. Sana matulungan po sila ng mga awtoridad, baka makasagap pa sila ng virus sa paglalakad nila,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Kilala ko po sila mga 2 beses nabigyan ko po ng bigas at kaunting panggastos sa may Quirino Highway sila naglalakad papuntang Novaliches.”

Public Domain Image

Walong taon nang nagsasama ang mag-asawa at nangako silang magsasama sa hirap man o sa ginhawa.

Panoorin ang naging balita ng TV Patrol sa mag-asawa via YouTube channel: