Mga tsuper ‘umaaray’ sa kakaunting kita dahil sa physical distancing sa jeep




Public Domain Image
  • Umaaray na sa kanilang kakarampot na kita ang mga tsuper ng jeepney
  • Panggasolina lamang daw ang kinikita nila
  • Kailangan kasing sundin pa rin ang physical o social distancing

Pumapalag na ang mga jeepney drivers dahil napupunta na lamang daw sa kanilang pang-gasolina ang kanilang kakarampot na kita dulot na rin ng ipinatutupad na physical distancing sa loob ng kanilang mga pampasaherong jeepney.

Malaking dagok umano kanilang kita ang dulot ng pandemya. Mula kasi sa dating 144 pisong kita kada pasada, natapyasan na ito ng 54 piso simula noong payagan silang pumasada ng pamahalaan. Sa isang jeepney kasi, maaaring makapagsakay ng anim na pasahero lamang upang maiwasan ang posibleng hawahan.

Public Domain Image

Nitong Sabado ng umaga, Setyembre 19, 2020, inihayaga ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagpasya na si Pangulong Rodrigo Duterte na muling ibalik sa 1 metro ang distansiya sa mga pampublikong sasakyan.

Binawi nito ang pagpapasya ng pandemic task force na gawing 0.75 metro ang pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan, na tinutulan ng mga dalubhasa lalo’t mataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa bansa at hindi pa rin humuhupa.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Siguro magandang gawin is taasan nang kaunti yung pamasahe. Dapat tulungan din ang mga tsuper kasi may point naman yung dahilan nila,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Eh di huwag na kayong bumiyahe nagpapagod lang pala kayo nANg walang Kita. Eh wala tayong magagawa dahil may pandemya nga at kailangan ang social distancing.”

“Dahan-dahan tayo magsalita. Kasi iyon ang alam nilang kabuhayan, kaya huwag ninyo kuwestyunin, hindi lahat pare-pareho,” pakiusap naman ng isa.

Public Domain Image

Bukod sa mga tsuper ng jeepney, dumaraing din ang bus driver na si Jun Padilla sa naging pasya ng gobyerno, lalo’t nahihirapan siyang kumuha ng mga pasahero. Pero giit ng Department of Transportation, pinal na ang desisyon ng pangulo na 1 meter physical distancing sa mga pampublikong sasakyan.