Mga ipinagawang solar street lamps ipinagmalaki ni Mayor Vico




Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Vico Sotto
  • May solar street lamps na sa Parian Creek sa Pasig
  • Ibinida ito ni Mayor Vico Sotto
  • Plano pa ng alkalde na pailawan ang mga pinakamatataong lugar sa kaniyang lungsod 

Ipinagmalaki ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang ipinagawang solar street lamps ng pamahalaang lokal ng Pasig upang magsilbing tanglaw sa dating madilim na kahabaan ng isang creek sa kanilang lungsod, na makikita mismo sa kaniyang Facebook post.

“Maliwanag na ulit ang kahabaan ng Parian Creek! Nasindihan na ang bagong SOLAR STREET LAMPS mula sa tapat ng Plaza Bonifacio hanggang Pinagbuhatan. Ongoing ang street lighting ng ating Engineering Dept. sa buong lungsod. Target nating maging maliwanag na ang mga pinakamatataong lugar bago mag-Pasko,” ayon sa alkalde.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Vico Sotto

Ayon pa kay Mayor Vico na naglagay ng hashtag na “#UmaagosAngPagasa” at kilalang mabilis ang mga pag-aksyon sa kaniyang nasasakupang lungsod, mahigit 3 kilometro ang tinutukoy niyang Parian Creek at ang malaking problema rito ay ang stagnant water. Tinabunan raw kasi ang dulo nitong 500 metro na umaabot daw noon hanggang sa Marikina River.

Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens, lalo na sa mga taga-Pasig.

“Kasing liwanag ng layunin mo Mayor para sa mga Pasigueño. You are doing everything to make a great change for the whole city of Pasig,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Yes, Mayor Vico maraming salamat po. Malaking tulong din po sa mga bahay sa tabing creek dahil madalas na kaming naaakyat ng magnanakaw. Sana po lagi ring ma-trim ang mga puno dahil nagiging taguan at akyatan din ng mga magnanakaw.”

“Ang ganda Mayor Vico, good job… Pero sana makapaglakad-lakad naman ng safe, kaso may mga residente nag-aalaga ng aso sa labas nila tinatali kaya nakakatakot din. Sana mabigyan ng pansin,” panawagan naman ng isa.

Public Domain Image

Malaking tipid sa paggamit ng kuryente ang mga solar street lamps dahil kumukuha ito ng solar energy.