Mayor Isko Moreno: “I believe in the public education system”




Public Domain Image
  • Ipinagmamalaki ni Yorme Isko na produkto siya ng pampublikong paaralan
  • Sinariwa niya ang kaniyang buhay-mag-aaral
  • Nangako siyang patuloy na susuportahan ang mga guro at mag-aaral sa Maynila

Ibinida ni Mayor Isko Moreno na siya ay produkto ng pampublikong paaralan, at naniniwala siya sa kakayahan ng public education system sa bansa, sa kabila ng hamong kinahaharap ng Department of Education sa muling pagbubukas ng mga klase sa darating na Oktubre 5, 2020.

Sa isang virtual press conference na idinaos ng DepEd noong Setyembre 9, sinabi ni Yorme na ipinagmamalaki niyang graduate o nagtapos siya sa pampublikong paaralan. Makikita ito sa Facebook page ng Manila Public Information Office o PIO.

Imahe mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office

“I believe in the public education system. I am a product of public education. Sa awa ng Diyos, akalain mong puwede palang maging mayor ang isang produkto ng public education system and I’m trying to remember all the lessons that I learned from my teachers during those days,” ayon kay Mayor Isko.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Marami sa kanila ang nagpatotoo sa sinabi ni Yorme, at nagsabing maging sila man ay galing o produkto ng pampublikong paaralan.

“Totoo po ‘yan Yorme… nasa bata naman po talaga ang kagustuhan at pagpupursige… kahit gaano po kaganda ang eskwelahan kung ayaw mag-aral wala po tayong magagawa. Salamat po sa patuloy na pagtulong sa mga batang Manilenyo,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Ako nga po ay iskolar hangang College. Tama po kayo na nasa student na lang talaga kung magiging masipag sa kaniyang pag-aaral.”

Matatandaang ipinangako ni Mayor Isko ang pamamahagi ng mga libreng tablets, laptops, at internet connection sa mga pampublikong mag-aaral at guro sa Maynila, mula Kinder hanggang Grade 12 bilang pangangailangan sa blended/distance learning.

Public Domain Image

Ayon sa kaniyang State of the City Address noong Hulyo 2, 2020, may nakalaang 1.065 bilyong piso para sa proyektong ito, mula sa dating planong budget na 994 milyong piso, dulot na rin sa paglobo ng enrolment sa mga pampublikong paaralan.