Lolo Biker at Vlogger namimigay ng libreng laruan sa mga bata




Imahe mula sa Facebook account ni Joseph Allain Eliseo
  • Nalugod ang mga netizens sa isang lolo biker na vlogger din
  • Namimigay siya ng mga libreng laruan sa mga kapus-palad na bata
  • Nanghihikayat siya sa lahat na mag-subscribe sa kaniyang YT channel

Kung may bagay mang naidulot na maganda ang pandemya, ipinamalas nito ang kabutihan sa puso ng mga Pilipino: ito ang bayanihan at pagtutulungan, sa kahit simpleng kaparaanan.

Itinampok ng isang concerned netizen na nagngangalang Joseph Allain Eliseo  sa kaniyang Facebook post ang nakilala niyang lolo biker at vlogger na nagngangalang “Joey Belo,” 59 taong gulang, na nagpapasaya ng mga bata sa pamamagitan ng pamimigay ng mga laruan.

Imahe mula sa Facebook account ni Joseph Allain Eliseo

Salaysay ni Eliseo, naglalakad umano siya sa kalye ng Montillano sa lungsod ng Muntinlupa nang tawagin ang kaniyang pansin ng lolo biker at abutan siya nito ng flyer. Hinihimok siya nitong panoorin niya ang kaniyang vlog sa YouTube channel.

“KUYA! Nood ka sa vlog ko ha! Kahit isang view lang!” nakangiting sabi umano ng lolo biker na isa palang vlogger sa kabila ng edad nito.

“Nagulat ako kay Kuya mo habang taimtim akong naglalakad kanina sa kahabaan ng Montillano Street kanina. He then handed out this flyer. I asked what his channel is for, sabi niya, yung kikitain niya daw sa channel niya, pangbibigay niya daw ng toys sa street children,” salaysay ni Eliseo.

“Sobrang cool nito ni Kuya, may bike siya tapos may parang tahanan siya doon sa likod or storage for toys na bibigay niya sa street children. Hindi sapat ang isang view para sa goal na gustong marating ni Kuya mo biker Joey Belo,” dagdag pa niya.

Kaya naman, hinikayat din niya ang mga kapwa-netizens na suportahan si Bike Camper Jbelo para sa malinis at magandang adhikain nito: ang mapasaya ang mga batang street dwellers sa simpleng pamimigay ng mga laruan.

“ISANG SUBSCRIBE NAMAN DIYAN PARA KAY BIKE CAMPER JBELO. It would mean a lot to him and for the kids he will help!” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Joseph Allain Eliseo

Sa panayam kay Eliseo ng CNN Philippines, sinabi niyang labis siyang natuwa kay Lolo Joey Belo, lalo na’t nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko.

“Natuwa ako kasi mostly ‘yung iba gustong mamigay ng foods, clothes, yung common. Not saying na ‘di maganda yun, pero this is something new, a Pinoy Santa Claus. Not in a sleigh but in a form of bike camper,” ani Eliseo.

Dahil dito, dumami na rin ang subscriber ng lolo biker sa kaniyang YouTube channel na “Bike Camper JBelo.” As of this writing, umabot na sa 216, 000 ang kaniyang subscribers.

Nagpasalamat naman ang anak ni Belo sa comment section ng isa sa mga entry vlog ni “JBelo.”

“Maraming salamat po sa lahat ng nagsu-support sa Papa ko! Hindi pa po siya aware na marami na po siyang subscribers dahil nasa biyahe pa siya and mostly 2-3 days po siya bago umuwi. God bless po to everyone!”

Saludo po kami sa inyo, lolo na biker na, vlogger pa, at may mabuting puso pa!

Tara na’t magbigay ng suporta sa kanya bilang tulong sa nalalapit na Pasko!