Kris Bernal may tampo nga ba sa GMA Network dahil sa hindi nito pag-renew ng kontrata niya?




Public Domain Image
  • May tanong sa kaniyang isipan si Kris Bernal
  • Hindi pa kasi nire-renew ang kaniyang kontrata sa GMA Network
  • Iniisip niyang baka ayaw na sa kaniya ng Kapuso Network na naging tahanan niya sa loob ng 13 taon

Marami ang nagulat sa pag-guest ni Kapuso actress Kris Bernal sa bagong morning talk show ng TV 5 na “Chika Besh” nina Pauleen Luna, Ria Atayde, at Pokwang na umere noong Setyembre 14, 2020. Tanong ng marami: ‘Lilipat na ba siya ng network?’

Inamin naman ni Kris na wala na raw siyang kontrata sa GMA Network dahil hindi pa nila nire-renew, at wala na rin siya sa GMA Artist Center, ang talent-management arm ng Kapuso Network. Aminado ang aktres na  nalulungkot siya dahil naiisip niyang parang walang direksiyon ang kanyang showbiz career.

Public Domain Image

Nagkataon kasing napaso na ang kaniyang kontrata sa Kapuso Network sa kasagsagan ng pandemya, at dahil limitado nga ang mga produksyon, wala pa raw maipangakong proyekto ang pamunuan sa kaniya.

Wala ring naiaalok sa kaniyang regular show, subalit may mga TV guestings daw siya tulad na lamang ng All-Out Sundays, na babalik na sa studio sa darating na Linggo, Setyembre 27. May performance daw siya rito. Subalit nang ibalita sa kaniya na posibleng hindi pa siya ma-renew, labis daw siyang nag-alala.

“Nagkaroon ako ng anxiety, lalo na noong malaman ko na wala na akong contract. Siyempre, hindi ko na ipinakita sa social media iyon,” pag-amin ng aktres sa panayam ng DZRH noong Setyembre 22, 2020.

Pag-amin pa niya, “May questions din ako na hindi kaya ayaw na ako ng network ko? May ganoon. Hindi kaya hindi na nila ako bibigyan ng show kaya wala na akong contract? May mga ganoon na akong questions in mind.”

Public Domain Image

Tumatak sa mga manonood ang pagganap ni Kris sa teleseryeng “Impostora” at marami pang iba. 13 taon na si Kris bilang Kapuso, kaya nakaabang ang kaniyang mga tagahanga sa magiging takbo ng showbiz career ng aktres sa mga susunod na kabanata.