Kakai Bautista ipinagmalaki ang ipinatayong dream house; wala raw deadline ang pagtupad sa pangarap




Imahe mula sa Facebook account ni Kakai Bautista
  • “Walang deadline ang pangarap” – iyan ang inspirasyong hatid ng komedyanteng si Kakai Bautista
  • Ipinasilip niya sa social media ang kaniyang ipinatayong dream house
  • Dalawang dekada na niyang pinangarap na makapagpatayo ng sariling bahay para sa pamilya 

Ipinagmalaki ng komedyante at tinaguriang “Dental Diva” na si Kakai Bautista ang kaniyang ipinatayong dream house, na katas umano ng kaniyang tv commercial para sa isang sikat na fast food chain kasama ang komedyante at host na si Eugene Domingo.

Itinampok ni Kakai ang kaniyang ipinatayong pangarap na bahay sa Instagram post, kalakip ang mahabang caption ng pasasalamat at testimonya na hindi kailanman nagkakaroon ng “deadline” o katapusan ang pagkamit sa mga pangarap.

Imahe mula sa Facebook account ni Kakai Bautista

Salaysay niya, ngayon lamang sila nagkaroon ng sariling bahay. Naranasan daw niya umano noon na mapalayas sa kanilang nirerentahan sapagkat wala silang maipambayad sa upa.

“Ngayon lang kami nagkaroon ng sariling bahay… Di pa siya tapos dahil ipapaayos ko pa sana ang interior kung hindi nagkaroon ng pandemya. Oo, nalungkot ako kasi dapat nakalipat na kami pero alam ko may dahilan si Lord kung bakit hindi pa sa ngayon,” ayon kay Kakai.

Tinawag niyang “JB House” ang kaniyang ipinatayong bahay dahil nga nanggaling sa TV commercial ang naging budget niya para dito, bukod pa sa kaniyang loan sa bangko. Napakabuti raw ng Diyos sa kaniya dahil matapos ang dalawang dekada, nakamit na niya ang pangarap na magkaroon ng sariling tahanan.

“Dumating sa point na akala ko sa kalye na kami titira. Pero NAPAKABUTI NI LORD. Dalawang dekada akong nangarap para sa pamilya ko. Huwag nating isipin na ang kahirapang nararanasan natin ay parusa, kundi blessing na magpapatibay sa atin at sa ating FAITH!,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Kakai Bautista

Dagdag pa niya, “Sa mga makababasa nito, WALANG DEADLINE ang pangarap! Kahit anong age mo, kahit anong sitwasyon basta gusto mong paghirapan ay matutupad! Tiwala sa sarili at tiwala kay Lord! Iyan ang formula na kailangan mo. At tandaan mo, lahat ng bagay na nakukuha mo nang mabilis, kapag ‘di mo inalagaan ay mawawala rin nang mabilis!”

Marami naman sa mga kasamahang artista at netizens ang nagbigay ng kanilang papuri para kay Kakai.

Sa kasalukuyan, kasama si Kakai sa musical variety show ng GMA Network na “All-Out Sundays” tuwing Linggo ng tanghali.