Guro sa mabagal na internet service: “Ano ituturo ko sa online class, close-open?”




Imahe mula sa Facebook account ni Flor De Guzman
  • Nadismaya ang isang guro sa kaniyang internet service provider
  • Hindi pa kasi sila nakakabitan ng internet 
  • Kumpleto naman at advance ang kaniyang bayad

Kung may mga frontliners mang maituturing pagdating sa edukasyon at akademya sa kabila ng pandemya, iyan ay walang iba kundi ang mga guro, na walang tigil din sa paghahanda ng mga kakailanganin para sa nalalapit na pagbubukas ng mga klase. Masasabing handa na ang karamihan sa kanila upang yakapin ang “Bagong Normal” sa pagtuturo.

Ngunit may ilang salik na nakaaapekto upang maging matagumpay ang panibagong modality ng pagtuturo na online class, lalo na kung hindi maayos o mabilis ang internet connection, na bukod sa gadget o device ay pangunahing pangangailagan din upang maisakatuparan nang maayos ang distance learning.

Iyan ang hinaing ng gurong si Ma’am Flor De Guzman sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Flor De Guzman

Inirereklamo ng guro ang mabagal na aksyon ng kaniyang internet service provider, na kamakailan lamang ay napabalitang “to the rescue” kaagad sa isang sikat na aktres, matapos nitong ireklamo naman sa Twitter post ang dati niyang ISP. Handang-handa na nga raw ang guro, na naka-uniporme at naka-make up pa.

“Complete teacher’s uniform with make up pa. Ready for online teaching sa mga estudyante ko. What happened PLDT bayad naman kami advance pa. Bibigyan mo ako ng 5 mins tapos on and off pa. Ano ang ituturo ko sa mga estudyante ko ‘CLOSE – OPEN?’ caption ng kaniyang Facebook post.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Pero kapag sa artista, ang bilis nila. Publicity nga naman. Kailangan pa yata umabot sa 100,000 likes ang post bago nila mapansin at mapuntahan,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Sorry Ma’am hindi raw po kasi kayo si Liza Soberano kaya hindi po nila kayo papansinin. Baka kailangan n’yo pong i-shout out yung kalaban nila, baka sila ang magpunta sa inyo.

Public Domain Image

“Wow, iyan ang guro! Always ready! Good luck po sa inyo, Ma’am!” saad naman ng isa.

Samantala, sa pinaka-latest update ni Ma’am ay ibinahagi niya  ang development sa kanyang internet concerns.

Aniya, “Maraming salamat sa mga tumulong na maayos ang connection ng internet namin. Ang nais ko lng naman ay maihatid nang maayos ang aking lesson sa aking mga estudyante. Again maraming maraming salamat sa lahat. Sa PLDT mga taga private school pa lang po ang naka online, paano na kaya po pag bukas ng mga government schools. Maraming salamat po PLDT. GOD Bless Us. 9.11.2020”

Abangan ang mga susunod na kabanata sa Oktubre 5 onward. Maging kalabit sana ito sa mga internet service providers!