“Burdadong” guro tinanggal sa serbisyo dahil sa mga tattoo




Public Domain Image
  • Natanggal sa trabaho ang isang lalaking guro sa France
  • Napakarami niya kasing tattoo mula ulo hanggang paa, pati na ang dila
  • Inireklamo siya ng mga magulang ng isa sa kaniyang mga mag-aaral sa kindergarten

Isang lalaking guro sa Paris, France na burdado ng tattoo mula ulo hanggang paa, ang tinanggal sa serbisyo ng pagtuturo sa mga kindergarten nang ireklamo ng mga magulang ng isa sa kaniyang mga mag-aaral.

Kinilala ang naturang lalaking guro na si Sylvian Helaine, 35 taong gulang, na may tattoo mula ulo hanggang paa, kabilang na ang kaniyang dila.  Bukod dito, pinakulayan din niya ng itim ang kaniyang mga mata.

Public Domain Image

“All of my students and their parents were always cool with me because basically they knew me,” ayon kay Helaine sa isang panayam.

“It’s only when people see me from far away that they can assume the worst.”

Ayon sa reklamo ng mga magulang ng isang kindergarten pupil sa Docteur Morere Elementary School sa Palaiseau, France,  napanaginipan umano ng kanilang yaylong taong gulang na anak ang kaniyang guro, na naging dahilan upang matakot ito at hindi na makatulog.

Batay naman sa tagapagsalita ng local education authority, ang kanilang pagpapasya ay nabuo dahil natatakot na raw pumasok ang mga mag-aaral na nasa Grade 6 pababa dahil sa anyo ni Helaine. Sa kabila nito, nais pa rin daw ni Helaine na manatili sa pagtuturo dahil mahal niya ang kaniyang trabaho.

Salaysay niya, nagsimula raw ang hilig niya sa pagpapa-tattoo habang nagtuturo sa isang pribadong paaralanl sa London nang dumanas siya ng “existential crisis.” Mula noon, naging bahagi na ng kaniyang personalidad ang paglalagay ng tattoo.

Public Domain Image

Kahit na ganito ang nangyari, umaasa pa rin siyang matatanggap din ng mga mag-aaral ang mga taong katulad niya na kakaiba sa mga karaniwang nakikita. Hiling niya na sana ay maging bukas ang isipan ng mga tao sa mga kagaya niyang nakakakuha ng kaligayahan sa mga ginagawa niya, na para sa marami ay kakatwa.