Blessing ba? Mabagal na internet na may magandang dulot sa isang estudyante, nagdulot ng katatawanan




Imahe mula sa Facebook page ni John Robiemel G. Raga/Public Domain Image
  • Para sa isang estudyante, “blessing” ang pagkakaroon niya ng mabagal na internet
  • Naging dahilan kasi ito upang malaman niya ang sagot sa item number 30 ng kanilang online exam
  • Naaliw naman ang mga netizens hinggil dito

Isa sa mga mahahalagang pangangailangan ngayon upang maisakatuparan at mapagtagumpayan ang mga online classes ay ang pagkakaroon ng matatag na internet connection. Sa mga mag-aaral kasi na pinili ang online class bilang modality ng pagtuturo at pagkatuto, halos lahat ng mga gawaing pampagkatuto ay isasagawa rin online; maging ang mga pagsusulit o eksamin.

Kaya naman, nagdulot ng katatawanan sa mga netizens ang Facebook post ng mag-aaral na si John Robiemel G. Raga matapos niyang ibahagi ang “biyayang” natanggap niya mula sa mabagal na internet connection, sa pagsagot ng kanilang pagsusulit.

Imahe mula sa Facebook page ni John Robiemel G. Raga

“May dulot din pala ‘yung mabagal na internet,” saad ng kaniyang caption kalakip ang screenshot ng kanilang online exam. Dahil sa mabagal niyang connection, hindi lumitaw ang uploaded photo na magiging batayan niya para masagot ang tanong na ‘The picture is an example of what indigeneous house?”

Batay sa pamagat o titulo ng larawan (na hindi lumitaw), ito ay isang “Ifugao’s house” na nagbigay ng clue sa kaniya upang malaman ang tamang sagot dito. Ang mga options naman o mga pamimilian ay Ibaloi house, Ifugao house, Kalinga house, at Bagobo house. Cheating ba ito o blessing?

Kaya naman, hindi napigilan ng mga netizens ang matawa at magbigay ng reaksyon hinggil dito.

“Hahaha, naku, may bonus na kaagad, siguradong may one point na kaagad si kuya. Hindi na siya mangangamba na wala siyang score,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Iyan talaga ang problema sa online class, kaya nga sana i-grant na lang ng pamahalaan at DepEd ang academic freeze para mapaghandaan pa talaga ang mga bagay na iyan, hahaha.”

“Bonus na lang iyan! Ganiyan kami dati eh. Kapag wala ang tamang sagot sa mga options o kaya may typographical error, tama kaagad iyon. Those were the days na puwede pang pumasok sa school! Nakakamiss!” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Sa kasalukuyan, ang ginagamit ng mga guro upang makagawa ng online exams ay Microsoft Form o Google Form.