Bagong physical distancing sa mga pampublikong transportasyon aprubado na




Public Domain Image
  • Unti-unting magkakaroon ng adjustments sa physical distancing sa pampublikong sasakyan
  • Inihayag ito ng Department of Transportation o DOTr noong Biyernes, Setyembre 11
  • Simula ang implementasyon nito sa Lunes, Setyembre 14

Aprubado na ang bagong panukala hinggil sa unti-unting pagluluwag sa physical o social distancing ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan, ayon na rin sa Department of Transportation o DOTr at Economic Development Cluster o EDC.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, sinang-ayunan naman ng Inter-Agency Task Force at National Task Force Against COVID-19 ang kanilang panukala, na ang implementasyon ay sa Setyembre 14, 2020, Lunes. Pinagbatayan umano nila ang rekomendasyon mula sa World Health Organization o WHO.

Public Domain Image

Simula Setyembre 14, papayagan na ang 0.7 metrong agwat o pagitan sa mga pasahero sa loob ng pampublikong sasakyan. Simula Setyembre 28 naman, magiging 0. 5 metro na lamang, at sa Oktubre 12 naman, papayagan na ang 0.3 metrong pagitan.

Ayon naman sa DOTr , magiging mandatoryo pa rin ang pagsusuot ng face masks at face shields bagama’t pinayagan na ang adjustment sa physical distancing.

Samantala, ayon sa panayam ng CNN Philippines kay dating special adviser ng  COVID-19 task force Dr. Tony Leachon , may kaunting agam-agam siya sa pagluluwag na ito hinggil sa physical distancing rules.

“This move will need calibrated planning. Pilot studies with monitoring of cases daily. It will need reference models from other countries using this practice. Results should be known,” aniya.

Ang COVID-19 ay maaaring maipakalat sa pamamagitan ng droplets na nagmumula sa pagsasalita, pag-ubo, o pagbahing. Maaari naman itong pumasok sa katawan at sistema ng tao sa pamamagitan ng kaniyang mga mata, ilong, at bibig, kaya ipinapayo ang pagsusuot ng face mask at face shield.

Public Domain Image

Nilinaw naman ng DOTr na sumangguni ang EDC sa mga dalubhasa sa kalusugan bago nila nilatag ang naturang panukala sa adjustment sa physical distancing rules, kabilang ang pagbabawal sa pakikipag-usap ng mga pasahero sa isa’t isa at pagsagot ng tawag sa cellphone kapag nasa loob ng tren.