45 taong gulang na lalaki nagtapos bilang “cum laude” sa kolehiyo




Public Domain Image
  • Isang lalaking 45 na taong gulang na ang nagtapos na “Cum Laude” sa kolehiyo
  • Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Secondary Education major in TLE
  • Nagsilbi siyang inspirasyon sa mga taong hindi alintana ang edad tungo sa pangarap

Pinatunayan ng isang 45 na taong gulang na lalaki sa Davao Oriental na hindi hadlang ang kahirapan at edad upang makamit ang mga pangarap sa buhay, dahil habang humihinga pa ang isang tao, posible pang maabot ang mimimithing pagtatagumpay.

Ayon sa panayam ng Philippine Star kay Guillermo Bello Jr., residente mula sa Mati, Davao Oriental, nagtapos si “Kuya Jun” bilang “Cum Laude” sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Technology and Livelihood Education sa Davao Oriental State College of Science and Technology. Isinagawa ang commencement exercise ng naturang paaralan ngayong Setyembre 2020.

Public Domain Image

Hindi naging madali ang mga hamon sa buhay na pinagdaanan ni Kuya Jun. Isinalaysay niya kung bakit tumigil siya sa pag-aaral noong siya ay nasa Ikatlong Taon sa hayskul. Nagkasakit kasi umano ang kaniyang Tatay kaya kinakailangan niyang huminto upang pasanin nang maaga ang responsibilidad sa kanilang pamilya. Walo kasi silang magkakapatid.

Nanilbihan siya bilang house helper upang masuportahan ang pinansiyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Sa gulang na 16, nagtungo siya sa lalawigan ng Cavite upang humanap ng trabahong mas maganda at mataas ang pasahod. Mapalad namang naging babysitter siya, at gumagawi rin ng mga household works sa loob ng 24 na taon.

Noong 2015, bumalik siya sa kaniyang bayang sinilangan upang i-enrol ang sarili sa Alternative Learning System o ALS ng Department of Education o DepEd para sa mga kagaya niyang nagnanais na manumbalik sa pag-aaral. Nang matapos ito, itinuloy na niya ang pag-aaral sa kolehiyo, sa Davao Oriental State College of Science and Technology.

Noong una raw, nag-aalinlangan ang program head ng kursong kaniyang nais pasukan na tanggapin siya. Baka raw kasi hindi na niya makaya pa ang kurso dahil sa kaniyang edad. Binigyan siya ng isang semestre, at pinatunayan naman niyang kaya niya, dahil matataas ang naging marka niya.

Public Domain Image

Sa kabila raw ng kaniyang edad, naging mabuti at maganda raw ang naging pagtrato sa kaniya ng mga kamag-aral at propesor. Nagulat man daw ang mga naging propesor niya sa kaniyang edad, wala siyang natanggap mula sa mga ito kundi panghihikayat na magpursige siya at pagsuportang kakayanin niya.

Nag-iwan naman siya ng mensahe para sa kaniyang mga kaedad na patuloy pa ring nangangarap.

“Bawat isa ay may pangarap at ‘yan ay maging pangarap na lang kung walang action na gagawin. Ang Diyos ang may akda sa lahat. Magdasal at humingi sa Kaniya. Huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na mangarap, samahan ng dasal. Huwag mahiya kung may edad na dahil wala sa edad ‘yan. Nasa pagsisikap at determinasyon,” aniya.

Sa ngayon ay nagtatrabaho si Kuya Jun bilang enumerator sa Philippine Statistics Authority. Dumadalo rin siya ng review para sa Board Licensure Examination for Professional Teachers upang makapagturo na.

Pagbati sa iyo, Kuya Jun! Nawa ay pamarisan ka ng lahat!