SK sa Maynila namigay ng laptop at tablet tables sa mga residenteng mag-aaral




Imahe mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office
  • May palibreng laptop at tablet tables ang Sangguniang Kabataan ng Barangay 333 sa Maynila
  • Para ito sa mga residenteng mag-aaral nila
  • Ito ay pangunahing kagamitan para sa online classes na magbubukas na sa Agosto 24, 2020

Kasado na nga ang muling pagbubukas ng mga klase sa Agosto 24, 2020, subalit hindi kagaya noon, gagawin ito sa pamamagitan ng online classes o blended learning, dahil hindi pa rin humuhupa ang pandemya sa ating bansa. Kaya lamang, isa sa mga suliraning kinakaharap nito ay ang kawalan ng device at internet connection ng napakaraming mga mag-aaral, na hindi sapat ang pera upang makabili ng mga pangangailangang ito.

Agad na tinugunan naman ito ng Sangguniang Kabataan o SK sa Barangay 333 sa Maynila, matapos nilang mamahagi ng 220 laptop at tablet tables sa kanilang mga residenteng mag-aaral, upang may magamit silang mesang patungan sa kanilang online classes. Ibinahagi ang kanilang pamumudmod sa opisyal na Facebook page na “Manila Public Information Office.”

Imahe mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office

Ang mga kuhang larawan ay mula kay G. Alex Layos II ng Manila Youth Bureau. Kahit nakatakip ng face masks ang mga mukha ng mga mag-aaral na nabigyan, bakas ang kasiyahan sa kanilang mga mata. Sa wakas, may magagamit na sila para sa online learning, kahit mesitang patungan.

Narito ang ilan sa mga papuri at positibong reaksyon ng mga netizens.

“Sana all lahat ng SK sa buong distrito ng Maynila ganiyan ka-aktibo sa mga proyekto nila, hindi puro paliga at pa-pageant ang alam gawin. God bless po! Napakahusay at napakasuwerte ng baragay ninyo,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Mga ganiyang project, talaga namang maganda at may pakinabang sa kabataan hindi nasasayang ang pondo.”

“Ang sarap nang tumira sa Maynila. Iba talaga kapag ang Mayor hindi nangungupit. Change has finally came to Manila. Huwag na kayo boboto ng mga katulad ng nakaraang Mayor niyo ha,” paalala naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Magaling ang SK, na-empower marahil ng Mayor na rin dahil mahusay. Salamat sa pagtulong ninyo sa mga mag aaral ng inyong lugar. Ganiyan sana ang pamarisan ng lahat ng kabataan!”

Imahe mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office

Ayon nga kay Dr. Jose Rizal, ang kabataan ay pag-asa ng bayan. Mabuhay kayo!