Regine Velasquez: “Proud to be a Kapamilya”




Public Domain Image
  • “Proud to be a Kapamilya” pa rin si Regine Velasquez-Alcasid
  • Aminado siyang malungkot na masaya siya sa mga nangyayari ngayon sa home network
  • Dalawang taon pa lamang ang Songbird sa network subalit apektadong-apektado siya sa mga nangyari dito

Aminado si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid na pakiramdam niya ay nagsisimula ulit sila sa ABS-CBN dahil sa mga pagbabago at development sa TV network matapos ibasura ng Kamara ang aplikasyon nito sa panibagong prangkisa upang makaere sa himpapawid, noong Hulyo 10, 2020.

Ayon sa panayam ng PEP via Facebook Live, malungkot na masaya ang kaniyang pakiramdam dahil marami sa mga kasamahan niya ang natanggal dahil sa retrenchment ng kompanya sa kanilang mga empleyado; mapa-artista, news anchor, at mga karaniwang staff ay nasibak dahil nga sa krisis-pananalapi ng maituturing na pinakamalaking TV station sa bansa.

Public Domain Image

Sa kabilang banda, masaya naman daw ang Songbird dahil ginagawan ng paraan ng TV network na makapagbigay-serbisyo at entertainment pa rin sa publiko, sa pamamagitan ng iba’t ibang platforms. Ngayon nga ay nasa digital platforms ang ABS-CBN sa pamamagitan ng cable at social media, sa pangalang “Kapamilya Channel” at “Kapamilya Online Live.

“I’m so excited, although medyo nalulungkot pa rin ako. Kasi siyempre, medyo madami tayong kasamahan sa trabaho na nawalan ng trabaho… kasamahan sa ABS na kailangang i-dissolve ‘yung mga department nila. It’s really heartbreaking,” ani Regine na bagama’t dalawang taon pa lamang sa Kapamilya Network ay napamahal na sa kaniya ito at ang kaniyang mga kasamahan.

Giit pa niya, ipinagmamalaki niyang nakapasok siya sa kompanya gayundin ang mga bosses nito, na unti-unti niyang nakilala ang mga karakter, lalo na sa panahon ng pagdinig sa senado. Masasabi raw niyang proud siya na matawag na “Kapamilya.”

“Napa-proud ako na I’m part of this company, I’m proud that it’s starting over again, and I’m part of it. And I’m proud to be a Kapamilya,” saad ng Songbird.

Public Domain Image

Mapapanood pa rin si Regine at ang asawang si Ogie sa longest musical variety show na “ASAP Natin ‘To.”

Source :

PEP