Panawagan ng isang guro: “Lisensyado o hindi, mga guro ay kailangang igalang”




Imahe mula sa Facebook account ni Kimberly Lacar / Public Domain Image
  • May panawagan ang isang guro sa pribadong paaralan
  • Igalang ang mga guro lisensyado man o hindi 
  • Marami kasing mga magulang ang hati ang opinyon ngayon sa pagsasagawa ng online class

Sa nalalapit na pagbubukas ng mga klase sa Agosto 24, 2020, nagiging mainit na usapin ang pagtatagumpay sa panibagong pamamaraan ng pagtuturo na blended learning na paggamit ng online classes at module dulot na rin ng “Bagong Normal” hangga’t wala pang bakunang nabubuo para sa COVID-19.

Kung ang iba ay nasasabik na sa muling pagbabalik sa klase sa virtual na paraan, may ilan ding kontra dito, lalo na ang mga magulang. Kaya naman, ibinahagi ng isang guro sa pribadong paaralan ang kaniyang karanasan sa isang magulang na nagpupuyos ang kalooban dahil sa online class.

Makikita sa kaniyang Facebook post ang kanilang kumbersasyon sa Facebook Messenger. Tinakpan naman niya ang pagkakakilanlan nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Kimberly Lacar

“Sabi ko sa sarili ko, immune na ako na ‘mababa’ ang tingin ng iilan sa mga private school teachers na katulad ko. Hindi pa pala, nati-trigger pa rin pala ako. Read at your own risk. Nag start ito sa ‘my day’ ko tungkol sa new episode ng KPL ni Darryl Yap entitled ‘Online Class.’ Sana masaya ka sa epekto, Direk. Ano ho?” pambungad ng post nito.

Ang tinutukoy na KPL ay video kung saan makikita ang parodiya hinggil sa pagsasagawa ng online classes, bagay na kinondena naman ng mga guro at netizens dahil sa hindi magandang pagpula sa imahe ng mga guro, na maituturing din na frontliners dahil sa paghahanda para sa klase.

“May iba na minessage ako telling me na trilogy ito at baka na-misinterpret ko ang gustong ipabatid ng direktor. LILINAWIN KO LANG HO, TRILOGY MAN O HINDI, napaka-insensitive ng mga content nito. Tama bang pagkakitaan ang paghihirap ng iba? At oho, napanood ko ho lahat magmula sa magulang, teacher at estudyante. Isa lang po ang masasabi ko, basura,” saad pa niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Kimberly Lacar

Kaugnay nito, ibinahagi na niya ang isang magulang na nagpadala sa kaniya ng mensahe sa Messenger, na tila nagpapahayag ng kaniyang saloobin hinggil sa online class. Sinabi pa ng magulang na ayaw niyang pag-aralin sa naturang pribadong paaralan ang kaniyang anak dahil hindi naman daw lisensyado ang mga guro doon. Tinanong pa niya ang mismong ka-chat niya kung lisensyado na ito sa pagkaguro.

“Huwag na ho nating alamin ang pangalan ng magulang na nagsabi sa akin nito dahil hindi naman na ho mababago pa ang nasabi na. Ang importante, alam natin bilang mga guro kung ano ang tama at mali. Hindi maitatama ang pagkakamaling ito sa pag-alam ng pangalan ng magulang, chers,” aniya.

May pahabol pa siyang mensahe. Hindi raw dapat minamaliit ang mga guro, mapa-pribado man o pampubliko, lisensyado man o hindi lisensyado. Hindi lamang daw dito nasusukat ang galing at dedikasyon ng isang guro. Hinamon naman niya ang mga magiging guro na mas kinakailangan ngayon ang pagmumulat sa mga taong nabubulagan.

Public Domain Image

“Marami ho kaming mga lisensyado sa private schools at hindi ho ‘yun naging dahilan para manliit kami ng kapwa namin guro. Saludo sa buong sangkaguruan saan mang panig ng daigdig lisensyado man o hindi! Tandaan, hindi masusukat ng lisensya ang kagalingan at dedikasyon mo Ma’am/Sir! Para naman sa mga magiging guro pa lamang, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mas kailangan nating mag turo. Mabuhay tayong lahat!” panghuling mensahe niya.

Hangad nating maging maayos ang pagbubukas ng mga klase sa Agosto 24, 2020 para sa ating mga guro ng bayan at mag-aaral!

Source :

Facebook