Pagpupugay kay Alfredo S. Lim, ang dating alkalde ng Maynila




Public Domain Image
  • Si Alfredo S. Lim ang tinaguriang “Dirty Harry” ng Pilipinas
  • Nakilala siya bilang dating mayor ng Maynila, senador, at radio program host
  • Namayapa siya sa gulang 90 dahil sa COVID-19

Nagulat ang lahat, lalo na ang mga Manilenyo sa pagpanaw ng dating alkalde nila na si Mayor Alfredo S. Lim na kamakailan lamang ay napabalitang isinugod sa ospital dahil sa COVID-19. Nitong Agosto 8, 2020 ay tuluyan na ngang nilisan ng dating alkalde ang daigdig sa gulang na 90.

Kilala sa larangan ng politika, dalawang beses na nagsilbi bilang Mayor ng Maynila si Alfredo S. Lim – na kilala rin sa taguring “Dirty Harry” ng Pilipinas – noong 1992 hanggang 1998 at 2007 hanggang 2013, matapos ang kaniyang termino bilang Senador noong 2004 hanggang 2007.

Bukod dito, itinalaga siya bilang Kalihim ng Department of Interior and Local Government, o DILG, ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na nakatunggali naman siya sa presidential elections noong 1998.

Public Domain Image

Subalit sa lahat ng kaniyang mga naging posisyon o ginampanang tungkulin sa pamahalaan, mas nakilala siya bilang mayor ng Maynila dahil sa kaniyang kamay na bakal na pamamahala lalo na sa pagsugpo sa mga nagtutulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Nakilala siya sa mga isinulong niyang reporma, gayundin sa kaniyang mga islogan na “Magaling na Lider, Disiplinado” at “Linisin, Ikarangal ang Maynila o LIM.”

Muli siyang sumubok na maging mayor ng Maynila noong 2019 subalit ang nahalal ay ang kasalukuyang mayor nito na si Isko Moreno Domagoso, na tinatawag ngayong “Yorme” at gumagawa ng mga kahanga-hangang reporma at pagpapaganda sa Maynila.

Bukod sa pagiging lingkod-bayan, siya rin ay isang mamamahayag. Noong kasagsagan ng kaniyang panunugkulan bilang senador, naging radio host siya sa public service radio program na “Katapat: Mayor Fred Lim” sa DZMM ng ABS-CBN, gayundin sa morning commentary program na “Katapat at Karancho” sa DZRJ-AM.

Isa sa mga nagbigay at nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pamilya ang mga dati at kasalukuyang mayor ng Maynila na sina Joseph Estrada at Isko Moreno. Bagama’t may mga bagay raw silang hindi pinagkakasunduan hinggil sa paniniwala at pamamahala, iisa lamang naman daw ang kanilang mga layunin — ang makapaglingkod sa bayan, lalo na sa mga Manilenyo.

Public Domain Image

Lubos tayong nakikiramay sa pamilya ni dating Mayor at Senador Alfredo S. Lim.