Mga Thai na nagsagawa ng kilos-protesta, gumamit ng three-finger salute mula sa “Hunger Games”




Public Domain Image
  • Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga Thai laban sa kanilang punong ministro
  • Gumamit sila ng three-finger salute upang ipakita ang kanilang protesta
  • Ang gawing ito ay sinasabing nagsimula sa novel-inspired movie series na “The Hunger Games”

Libo-libong mga raliyista mula sa iba’t ibang edad at sektor ng lipunang Thai ang nakiisa sa kilos-protesta laban sa kanilang Punong Ministro na si Prayuth Chan-ocha na isinagawa sa Thammasat University nitong Lunes, Agosto 11, 2020 upang punahin ang katiwalian at karahasan umano ng administrasyon nito, na nakasandig sa puwersa at suporta ng mga sundalo.

Bilang tanda ng kanilang kumilos, ginamit nila ang three-finger salute na unang pinasikat sa novel-inspired movie series na “The Hunger Games” upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa pamahalaan.

Public Domain Image

Iginigiit nila na muling kathain angĀ  kanilang 2017 Constitution, magka-disolusyon ng parliamentarya, at matigil sa panggigipit sa mga tao.

“Us seniors must support the students. We must fight for our sons, daughters, nephews and nieces,” ayon sa isang kinapanayam na ginang na tumangging magpakilala.

Nakasulat naman sa isa sa mga placards na “No more fake democracy.”

“This is the right time to send our voices to the government to let them know that we’ve had enough,” giit naman ng isang mag-aaral sa kolehyo na tumanggi na ring magpakilala.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sa Lebanon at Thailand nag-rally mga tao sa kanila magre-resign ang mga officials. Dito sa Pilipinas kahit ilang beses tayo nag-rally kahit obvious na yung katiwalian nila di pa magre-resign. Naka-wheelchair lang,” pahayag ng isa.

Turan naman ng isa, “Base sa librong The Hunger Games, ang ibig sabihin ng sign na iyan ay pagmamahal, paghanga at pamamaalam sa taong minamahal.”

Public Domain Image

“Hindi po Hunger Games ang nauna diyan. Tagal na namin ginagamit sa Scouting ‘yan eh. Haha,” birong hirit naman ng isa.

Ang punong ministro ng Thailand ay dating army chief. Kilala siya sa pagpapatupad ng disiplina at pagpapasunod sa kabataan.