Mga residente ng Roxas City sanay sa mga hayop na naglalakad sa kalsada




Imahe mula sa Facebook account ni Maria Angelica Mandario
  • Ayon sa isang netizen sa Roxas City, normal lamang sa kanilang may nakikitang mga hayop sa kalsada, na minsan ay tumatawid pa
  • Napababalita kasi ang pagsulputan ng iba’t ibang mga hayop sa kalunsuran sa ibang mga lugar gaya ng ostrich, baboy-ramo, kambing, peacock, sea eagle, at pawikan
  • Para sa ilan, ang paglabas ng mga hayop sa kanilang habitat, lungga o panahanan ay nagbabadya o nagpapahiwatig ng panganib na paparating na maaaring dulot ng kalikasan

Kamakailan lamang ay dumarami ang mga balitang may kinalaman sa pagtakbo o pagkawala ng mga maituturing na wild animals kagaya ng ostrich, baboy-ramo, kambing, peacock, sea eagle, at pawikan na naispatan sa iba’t ibang lugar sa kalunsuran, na biro ng iba ay tila nasa pelikulang “Jumanji.”

Para naman sa netizen na si Maria Angelica Mandario na taga-Roxas City, normal na senaryo lamang sa kanila ang makakita ng mga hayop na palakad-lakad sa mga kalsada, dahil ito raw ay tipikal lamang sa kanila. Ibinahagi niya ito sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Maria Angelica Mandario / Public Domain Image

“Ostrich in Quezon City. Pig in Cebu City. Cow in Iloilo City. Meanwhile in Roxas City,” saad sa kaniyang caption na tumutukoy sa mga kambing na makikitang tumatawid sa mga kalsada, sa harap ng isang sikat na mall sa naturang lungsod. Ang Roxas City ay matatagpuan sa lalawigan ng Capiz.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“OA kasi ng iba! Casual scene lang ‘yan lalo kapag sa province hahahahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Wala na kasing maraming taong gumagala sa Roxas City para mag-shopping, kaya sila na lang muna hahaha.”

“Bakit kasi ginagawang big deal ang paglabas ng mga hayop ngayon? They are also creatures of God so wala naman sigurong masama kung paminsan ay makita natin silang pagala-gala sa mga lugar. Kung tutuusin, mas nauna nga sila kaysa sa atin. Ginawa tayo ng Panginoon para pangalagaan sila at hindi saktan,” wika naman ng isa.

Biro naman ng isa, “Next time kasi, dinosaur naman mga palabasin, para wala nang palabas-labas na pasaway, iwas sa COVID.”

Imahe mula sa Facebook account ni Maria Angelica Mandario / Public Domain Image

Para sa ilan, ang paglabas ng mga hayop sa kanilang habitat, lungga o panahanan ay nagbabadya o nagpapahiwatig ng panganib na paparating na maaaring dulot ng kalikasan, dahil malakas daw ang pandama ng mga ito. Subalit para sa ibang mga lugar, ang mga hayop ay malaya nilang nakasasalamuha at nakakasama sa pang-araw-araw na pamumuhay.