Halina’t tikman ang “Pandan-esal”




Imahe mula sa Facebook page ng Pandan Pastrie Bites/Public Domain Image
  • Natakam ang mga netizens sa pinakabagong patok na variants ng pandesal
  • Tinawag itong “pandan-esal” o pandan-flavored pandesal na itinitinda ng “Pandan Pastrie Bites,” isang bakery sa Quezon City
  • Bukod sa pandan, may unique homemade fillings din ito na strawberry, macapuno, white cheese, at Nutella o sikat na brand ng chocolate fillings

Kung sawa ka na sa malunggay, ube cheese, may palaman, o kahit simpleng plain pandesal, bakit hindi subukin ang tinatawag na “pandan-esal?”

Iyan ang tampok na inobasyon sa pandesal, paboritong tinapay ng mga Pilipino, ng isang bakery sa Quezon City na may pangalang “Pandan Pastrie Bites” kung saan mabibili ang pandan flavored-pandesal at iba’t ibang unique na homemade fillings dito gaya ng strawberry, macapuno, pandan, white cheese at Nutella. Makikita ito sa kanilang opisyal na Facebook page ng bakery.

Imahe mula sa Facebook page ng Pandan Pastrie Bites

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wow, sa pictures pa lang mukhang masarap na! Madayo nga iyan sa Quezon City. Sana may pa-deliver din sila para masaya,” sabi ng isa.

“Ano ba ‘yan, kung ano-ano na lang! Original pandesal pa rin ako, na may liverspread!! Wala nang mas hihigit pa ro’n. Mas masarap pa rin ang mga plain at simple lang,” pahayag naman ng isa.

Turan naman ng isa, “Makatikim nga niyan! Mukhang masasarap eh!”

Bagama’t may pandan-flavored na may iba’t ibang unique fillings, may tinda pa rin naman silang plain pandesal na nagkakahalagang 175 piso sa isang dosena.

Sinasabing ang ating pandesal o pan de sal ay nagmula sa salitang pan de suelo o floor bread sa Ingles, na local Spanish-Filipino version ng French baguette na minasa at hinulma sa sahig at iniluto sa pugon o wood-fired oven. May mga nagsasabi namang mula sa “bread salt.”

Public Domain Image

Subalit umigting ang pagkain ng pandesal sa mga Pilipino noong kasagsagan ng pananakop ng mga Amerikano sa bansa, lalo’t nagmura ang presyo ng mga harina noon. Naging pangunahing tinapay ito sa hapag-kainan ng mga Pilipino, na kadalasan ay isinasawsaw sa mainit na kape.

Samantala, matatagpuan ang Pandan Pastrie Bites sa Samar Avenue, Quezon City. Bukas sila mula 9:00 nang umaga hanggang 4:00 nang hapon, at maaari silang magpadeliver ngunit sa Metro Manila lamang. Maaaring makipag-ugnayan sa kanilang Facebook page kung interesadong tikman ang kanilang pandan-esal.