Guro sa pribadong paaralan, nagtitinda ng tinapay sa gasolinahan




Imahe mula sa Facebook post ni Karlo Ternora / Public Domain Image
  • Naispatan ng isang netizen ang may-gulang na babaeng guro na nagtitinda ng tinapay at iba pang items sa gasolinahan
  • Kuwento ng guro, nawalan daw siya ng trabaho sa pribadong paaralang kaniyang pinagtuturuan
  • Nabagbag naman ang damdamin dito ng mga netizens

Ang mga guro na itinuturing na “panday ng kaalaman” ay itinuturing na mga pangalawang magulang ng mga mag-aaral kaya naman nararapat na sila ay galangin at bigyang-pagpupugay, dahil kung wala sila, lahat ng propesyon sa mundo ay wala rin. Kaya naman masakit sa damdamin kapag nakakakita tayo ng mga guro na lubos na naapektuhan ng pandemya dahil sa kawalan ng trabaho dulot ng pagsasara ng paaralang pinagtuturuan, lalo na at pribado.

Iyan ang nasaksihan ng netizen na nagngangalang “Karlo Ternora” mula sa lungsod ng Marikina, matapos niyang ibahagi sa kaniyang Facebook post ang nasaksihang pagbebenta ng tinapay at iba pang items ng  isang may-gulang na babaeng guro sa isang gasolinahan sa Quezon City.

Imahe mula sa Facebook post ni Karlo Ternora / Public Domain Image

Kuwento sa kaniya ng guro na nakilalang si Ma’am Eloisa Gicar, 65 taong gulang, nawalan daw kasi ito ng trabaho matapos magsara ang pribadong paaralang pinagtuturuan nito. Nasaling naman ang damdamin ng netizen at naalala ang mga dati niyang guro noong siya ay nag-aaral pa.

“Ang sakit sa puso makita mga ganitong guro na nawalan ng trabaho. At nagbebenta sa labas para makaraos. Going home from my friend’s house I decided to refill muna, while waiting for my change. Biglang lumapit sakin si Ma’am she even called me ‘Anak’ baka gusto mo bumili ng paninda ko,” kuwento niya.

Bigla raw naalala ng netizen ang kaniyang mga guro noong nag-aaral pa siya.

“I asked ‘What happened po sa inyo?’ Sabi niya ‘Wala na ako trabaho kasi dahil sa pandemic’ as what it says sa hawak niya. Sobrang lungkot. Biglang abot ng sukli si Kuya gasoline boy, di man lang umabot ng hundreds pera ko na naiabot… she even insisted to get some of her goodies niya. Kaso I resist dahil galing akong kainan.”

Dagdag pa ng netizen, “If only I have extra time gusto ko siya i-treat sa katabing Jollibee kaso kailangan na rin maka uwi. From happy moments bigla ako natulala while driving, I have what ifs sa utak ko… ang tanda na niya paano kung may COVID mabentahan niya, umulan o di-naubos tinda niya paano na siya?”

Imahe mula sa Facebook post ni Karlo Ternora / Public Domain Image

Sa bandang huli, nanawagan ang netizen na sana ay matulungan ang naturang guro.

“I asked her permission kuhanan ko siya (ng larawan),  sana matulungan natin mga naging pangalawang magulang natin, sila rin tumulong sa ating matupad mga pangarap natin. Salute to all the teachers!”

Bagama’t naiurong ang pagbubukas ng mga klase sa Oktubre 5, 2020, patuloy na nakatatanggap ng kanilang suweldo ang mga guro sa pampublikong paaralan, lalo’t hindi rin naman sila nagpapahinga sa paghahanda para sa bagong paraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng blended/distance learning.

Ang tuluyang naapektuhan nito ay ilang mga maliliit na pribadong paaralan na maaaring nawalan ng enrollees dahil pinili na lamang na lumipat sa ibang mga paaralan o institusyong mas handa para sa online classes.

Sa mga nagnanais magpahatid ng kanilang tulong, maaaring makipag-ugnayan kay Eloisa Gicar mismo (09324703984) o kay Rachel Gicar (09322617952).