Arnold Clavio nakisimpatya sa pamamaalam sa ere ng “Dos Por Dos” nina Gerry Baja at Anthony Taberna




Public Domain Image
  • Namaalam na sa ere ang “Dos Por Dos” nina Gerry Baja at Anthony Taberna
  • Naapektuhan din ito ng retrenchment ng ABS-CBN dahil na rin sa bigong pagkuha ng prangkisa
  • Nagpahatid ng simpatya at suporta sa kanila si GMA at DZBB radio at television anchor na si Arnold Clavio

Namaalam na sa ere ang commentary program na “Dos Por Dos” ng mga batikang news anchors na sina Gerry Baja at Anthony Taberna sa DZMM, ang radio arm ng ABS-CBN, makalipas ang labimpitong taon at tatlong buwang pamamayagpag.

Namaalam na nga sa kanilang masusugid na mga tagasubaybay ang dalawang “Kumbachero” noong Biyernes, Hulyo 31. Lubos ding nagpasamalat ang dalawa sa pamunuan ng ABS-CBN na nagbigay sa kanila ng oportunidad upang makapamahayag.

Imahe mula sa Instagram account ni Anthony Taberna at Gerry Baja

Sinariwa ni Taberna na nagsimula sila ni Baja sa 30 minutong airtime pa lamang. Makalipas ng ilang taon, naging panghapon ang kanilang programa at ginawang isa at kalahating oras. Samantala, ang ginamit daw na mga salita sa memo ng pamunuan ay “financial constraints” at “There are circumstances that are beyond our control.”

Tumutukoy ito sa pagbasura ng Kongreso noong Hunyo 30, 2020 sa aplikasyon ng panibagong prangkisa ng ABS-CBN, pati na rin ang halos dalawang buwang pagtigil ng operasyon ng TV network dahil sa Cease and Desist Order ng National Telecommunications Commission noong May0 5.

Sa mga pansariling Instagram post, nagpahayag at nangako naman ang dalawa na pansamantala lamang silang mawawala at muling magbabalik sa takdang panahon. Inihambing pa ni Taberna ang kanilang pagkawala sa mga musikero. Aniya,  “Sabi nila, Musicians don’t retire, they just stop when there’s no more music in them.”

“Hindi man po kami musikero kahit ang tawag sa amin ay Kumbachero, naniniwala po ako na ang mga tinig na inyong pinakinggan simula pa noong mahigit 17 taon ang nakakaraan, ay nananatiling malakas, malinaw at puno ng buhay, dagdag pa niya.

Public Domain Image

Sa isa pa niyang Instagram post, sinabi ni Taberna na hindi naman daw ito tuwirang pamamaalam. Magtatagpo silang muli ng mga tagapakinig. “DosPorDos: Ang Pagtatapos. Nakakalungkot man na ang aming tinig, sa himpapawid ay di na muna mapapakinggan subalit kami’y umaasa na ang tinig na ito ay inyong susundan saan man mapadpad ng kapalaran.

Nagkomento naman dito ang batikang GMA at DZBB radio at television anchor na si Arnold Clavio. Sabi niya: “Trust in the Lord.”

May dalawang maikling Instagram posts naman si Baja sa kanyang Instagram. Emosyonal na namaalam na rin siya sa isa pa niyang programa sa DZMM, ang “Garantisadong Balita,” na napakikinggan tuwing madaling araw. Aniya, “Will surely miss this place”; bagay na kinumentuhan din ni Clavio sa comment section. “May mas magandang plano ang Diyos…” aniya.

Imahe mula sa Instagram account ni Arnold Clavio

 

Posible umanong lumipat sa TV 5 ang ‘”Dos Por Dos” ayon sa mga bali-balita.

Dos por Dos” nina Ka Tunying at Gerry ng DZMM, lilipat na sa TV5?

Halos nasa limang libong empleyado na ang natanggal sa kanilang mga trabaho sa ABS-CBN dahil sa retrenchment na ginawa ng kompanya matapos ang denial sa franchise renewal. Samantala, umeere pa rin sa cable TV ang Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live naman sa mga social media platforms.