VP Leni sa sariling SONA: “Kinaya na natin ang marami pang ibang hamon, at kakayanin natin ito”




Public Domain Image
  • Nagkaroon ng sariling “State of the Nation Address” o SONA si Vice President Leni Robredo
  • Idinetalye ang kaniyang mga mungkahi kung paano malulunasan o masusugpo ang mga nagsasanga-sangang suliraning panlipunan na naidulot ng COVID-19 pandemic sa bansa

Nagkaroon ng sariling “State of the Nation Address” o SONA si Vice President Leni Robredo kung saan malinaw niyang idinetalye ang kaniyang mga mungkahi kung paano malulunasan o masusugpo ang mga nagsasanga-sangang suliraning panlipunan na naidulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Makikita ang video ng kaniyang sariling SONA sa official Facebook page ng Pangalawang Pangulo, na tinawag niyang “Ulat, Mungkahi Ukol sa Pandemya, at Mensahe ng Pag-asa” na naglalayong magbigay ng mga tiyak na mungkahi at mensahe ng pag-asa para sa sambayanang Pilipino.

Imahe mula sa official Facebook page ni VP Leni

“Sa malaking bahagi ng panahong ito, minabuti ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo na gawin ang makakaya upang tumugon sa kahit anong paraan basta may maitulong, gaano man kalimitado ang aming budget o mandato,” bahagi ng pahayag ni VP Leni.

At inilatag nga ni VP Leni ang mga mungkahi niya kontra COVID-19, pagtitiyak na may mapagkukunan ng ikabubuhay ang mga taong nawalan ng trabaho, muling pagpapalakas ng ekonomiya at mga negosyo, at tugon sa mga hamon ng edukasyon.

“Malinaw ang pangambang bumabalot sa lahat. Kita ito sa mukha ng mga nakasalamuha namin sa ating COVID response efforts. Binibigkis tayo ngayon ng pangambang ito—pero binibigkis din tayo ng panindigang maalpasan ang ating mga suliranin,” ani VP Leni.

Marami raw aral o mensahe na maaaring makuha sa pandemyang ito, higit pa sa takot at pangamba na idinulot nito.

“Idinidiin ng pandemya ang aral: Magkakarugtong ang diwa nating lahat. Magkakarugtong ang kalusugan at kaligtasan natin, at karugtong naman nito ang bawat aspekto ng buhay natin, mula ekonomiya hanggang edukasyon. Nakatahi ang laylayan sa alinmang sentro, mula Batanes hanggang Jolo.”

Public Domain Image

Naniniwala rin si VP Leni na marami tayong magagandang katangian bilang isang lahi na maaari nating magamit bilang sandata upang makalagpas tayo sa pagsubok na ito na ating kinahaharap. Isa na riyan ang pagiging malikhain, maabilidad, at mapagmahal sa kapwa.

“Nakita ko ito mismo sa napakarami nating mga kababayan na lumapit sa aming Tanggapan para magbigay ng donasyon, para mag-volunteer na magdala ng PPE at pagkain sa ating mga frontliner, para mag-ambag ng kanilang panahon at talino para makatulong sa gitna ng krisis ng COVID-19,” pagpapatotoo ng Pangalawang Pangulo.

“Malinaw sa akin, hindi pasaway ang Pilipino, kundi laging handang tumulong sa kapwa. Hindi inutil ang Pilipino, kundi may tapang at talino na humarap sa anumang hamon. Hindi talunan ang Pilipino. At tiyak na magtatagumpay tayo laban sa pandemyang ito. Uulitin ko: Kinaya na natin ang marami pang ibang hamon, at kakayanin natin ito,” pagwawakas ni VP Leni.

Sumasang-ayon ka ba sa mga tinuran ng ating Pangalawang Pangulo?