Ugaling Pinoy: Ipinapatong mo rin ba ang paa sa upuan habang kumakain?




Imahe mula sa Facebook page na Rant
  • Isang kagawiang Pilipino ang pinag-usapan ng mga netizens
  • Ito ay pagtataas ng paa sa upuan habang kumakain at nakaharap sa hapag-kainan
  • Ayon sa mga matatanda, ang pagtataas ng paa habang kumakain ay pagpapakita ng kawalang-galang sa hapag-kainan, na maituturing na biyaya mula sa langit

Isa sa mga itinuturing na “sagrado” pagdating sa tahanang Pinoy ang paniniwalang kapag nakahain na ang mga pagkain sa mesa, hindi na ito kinakailangan pang paghintayin upang hindi magtampo ang grasya. Kinakailangan nang humarap sa dulang o hapag-kainan upang kumain: ang iba, sa halip na gumamit ng mga kubyertos ay mas pinipiling magkamay, with matching taas ng paa sa isang upuan. Ginagawa mo rin ba ito?

Iyan ang ibinahagi sa Facebook page na “Rant” kung saan makikita ang larawan ng isang lalaking nakataas ang isang paa habang kumakain. Marami sa mga netizens ang naka-“relate-much” dito at tila hudyat na marami ang gumagawa nito.

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens.

“Hahaha, I can relate. Ewan ko ba, ang sarap kasing kumain kapag nakataas ang paa, tapos tuyo at sinangag ang ulam. Hindi naman ako sinasaway ng mga magulang ko, kasi ganoon din ginagawa nila,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Oo nga ganiyan din ako minsan kaya lang, kapag nahuhuli ako ng lola ko, sinasaway ako o kaya pinapalo ang paa kong nakataas. Kabastusan daw kasi iyon sa grasya. Eh minsan parang may sariling utak ang paa ko haha. Sorry na po, lola.”

“Yes, isa sa mga kaugalian ng mga Pilipino ang pagtataas ng paa o pagpatong nito sa isa pang upuan. Dati may maliit kaming bangkito, yung ginagamit ng nanay ko sa paglalaba. Kinukuha ko talaga iyon tapos ipinapatong ko ang left foot ko. Wala lang. Mas masarap lang sa pakiramdam hehe,” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Ayon sa mga nakatatanda, ang pagtataas ng paa habang kumakain ay pagpapakita ng kawalang-galang sa hapag-kainan, na kagaya nga ng ating nabanggit, ay biyaya mula sa langit.

Ikaw, ginagawa mo rin ba ito?

Source :

Facebook