Transparency ng gastos ng pamahalaan kontra COVID-19 gagawan ng slides presentation




Public Domain Image
  • Magkakaroon ng special audit sa gastos ng pamahalaan kontra COVID-19
  • Ilalahad ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pamamagitan ng Powerpoint o slides presentation
  • Wala raw itinatago ang gobyerno sa sambayanan pagdating sa paggastos laban sa pandemya

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na i-uulat niya sa darating na Lunes, Agosto 3, 2020 kung saan napunta ang nakalaang pondo para sa paglaban kontra COVID-19, sa pamamagitan ng Powerpoint o slides presentation.

“Magkakaroon po tayo ng PowerPoint presentation on Monday kung magkano ‘yung natanggap ng gobyerno at paano po ginastos ‘yan para ipatunay po na wala pong tinatago ang gobyerno,” pahayag ni Roque sa ginanap na  press briefing sa Palasyo.

Public Domain Image

Marami kasi ang bumabatikos kung saan napunta ang pondo gayong umutang pa ang pamahalaan para dito. Iginiit niyang noong naging epektibo ang “Bayanihan to Heal as One Act” na nagbibigay ng dagdag-kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumugon sa krisis ng pandemya, nagsumite na raw ng weekly financial reports ang Palasyo sa Kongreso.

Sabi pa ni Roque, “Wala pong tinatago ang Presidente at ang Malacañang. Lahat po ng gastos, lahat po ng pera na ginastos para sa COVID-19, napunta po ‘yan para sa COVID-19 response ng gobyerno.”

Noong Hunyo, Biniulat ni Budget Secretary Wendel Avisado na umabot sa 355 bilyong piso ang gastos ng gobyerno kontra COVID-19. Ang 247.52 bilyong piso umano ay galing sa pooled savings habang ang 96.7 bilyong piso ay galing sa appropriations.

Upang mawala na ang haka-haka ng mga tao na patuloy na kumukuwestyon kung nagastos ba nang tama ang pondo para sa COVID-19, ilalahad ni Roque sa pamamagitan ng Powepoint presentation ang financial statement upang ipakita ang transparency sa mga naging paggastos upang malunasan ang mga suliraning kaakibat ng pandemya.

Public Domain Image

“Dahil wala naman kami tinatago, we welcome the special audit, noting na talaga naman ia-audit po ‘yan ng COA dahil ang COA po post-audit po ang kanilang ginagawa,” ani Roque.

Tiniyak naman ni COVID-19 Policy Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na makaaasa ang publiko na lahat ng salapi para sa COVID-19 ay talagang itinutuon sa pangangailangan ng sambayanan.

Ang mga mambabatas na humihiling ng special audit ay sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Finance Committee Chair Sonny Angara, Senador Panfilo Lacson, Senador Franklin Drilon, Senador Francis Pangilinan, at Senador Leila de Lima.