Social media influencer, binatikos dahil sa komento hinggil sa mga tricycle drivers




Imahe mula sa Twitter account ni Bukonoy Glamurr / Rant
  • Binatikos ng mga netizens si Buknoy Gamurrr, isang social media influencer, dahil sa isang komento nito pahinggil sa mga tricycle drivers
  • Hindi naman daw kasi marangal ang trabahong ito dahil wala umanong kurso sa kolehiyo na nagtuturo nito
  • Sa isang Twitter post ay ipinaliwanag naman niya na hindi naman ganoon ang kaniyang intensiyon, bagay na hindi naman tinanggap ng marami

Paano nga ba masasabing marangal ang isang trabaho o hanapbuhay? Ito ba ay dahil sa laki ng suweldong natatamo rito? O ‘di kaya’y sa diploma o pamantasang pinagtapusang kaakibat nito, o sa kasikatan o pagkilalang natatanggap ng gumagawa nito para sa iba?

Kamakailan lamang ay naging kontrobersiyal ang video clip ng isang social media influencer na nagngangalang “Buknoy Glamurrr” matapos niyang magbigay ng komento na hindi naman daw marangal ang pagiging isang tricycle driver, dahil wala umanong kurso sa kolehiyo na katumbas nito, o walang diploma ang mga naghahanapbuhay sa pamamagitan ng tricycle.

Imahe mula sa Facebook page ni Buknoy Glamurr

“Sa mga nagsasabing marangal na trabaho ang pagiging tricycle driver, hinahamon ko kayong lahat na magpakita sa akin ng school na nag-ooffer ng course tungkol sa pagta-tricycle. Common sense na lang mga teh, 2020 na tahol pa rin kayo nang tahol kahit wala kayong mga alam,” saad niya.

Bukod pa rito, hindi umano dapat kinikilalang marangal o disenteng trabaho ang pagiging kasambahay at janitor dahil sa panahon umano ngayon na malawak ang oportunidad, taong mga walang diskarte na lamang ang hindi yumayaman o umaasenso tulad ng mga tricycle drivers.

Agad na binura ng naturang social media influencer ang kaniyang Facebook post matapos ulanin ng batikos mula sa mga netizens, lalo na ang mga taong may kaanak na mga tricycle drivers sa pamilya.

“Funny are those who belittle this kind of work. Maituturing din po natin silang frontliners. Walang karapatan ang sinomang maliitin sila, kahit na anong trabaho pa iyan. Marangal ang isang trabaho kung walang ginagawang masama, hindi nananamantala, at hindi nampapahamak ng kapwa,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, ” A handful of tricycle drivers were able to send their children to school and became professionals. In that manner, they achieved their dreams.”

Imahe mula sa Twitter account ni Bukonoy Glamurr

“Tricycle driver ang tatay ko kaya masakit para sa akin ang mga sinabi niya at anong hindi marangal ang pagiging tricycle driver, bakit may ginagawa ba silang masama sa kapwa nila? Kung edukado siyang tao dapat alam niya ang salitang marangal at huwag niyang maliitin ang mga ganoong ng trabaho, nakakadismaya talaga,” pahayag naman ng isa.

Maging ang mga sikat na celebrity kagaya nina KaladKaren Davila, Gretchen Ho, at marami pang iba ay nagbigay ng reaksyon hinggil dito.

Bumuwelta naman kaagad ang vlogger at ipinaliwanag ang kaniyang sarili sa mga bumabatikos sa kaniya sa pamamagitan ng Twitter post.

“Hindi ko naman po sinabi na kahihiyan maging isang tricycle driver. What I mean is that you can be more than that if you keep pushing yourself. I’m not degrading anyone here. Look at the bright side people there’s too much negativity dadagdag pa ba tayo?” aniya.

Sa kabuuan, marapat lamang na maging maingat tayo sa mga binibitiwan nating salita dahil maaaring makasakit o makasaling tayo ng damdamin ng iba. Wika nga, “Think before you click.”