Seafood sarap: Kumakain ka ba ng shellfish na kung tawagin ay balakwit, bulaksik, o aninikad?




Larawan mula sa FB page na Pangangan Island Bohol
  • Maraming netizens ang natakam sa post ng isang FB page tungkol sa isang sikat na shellfish
  • Ito ay ang aninikad na tinatawag ding balakwit o bulaksik sa ibang bahagi ng Pilipinas
  • Bagaman kakaiba ang hitsura, marami naman ang nagpapatunay sa kakaibang sarap at linamnam nito

Bilang isang archipelago, ang Pilipinas ay biniyayaan ng mga yamang galing sa iba’t ibang anyong tubig tulad ng dagat at mga ilog. Maliban sa mga nagiging atraksiyon ang mga ito at sentro ng turismo, biyaya rin ang mga katubigan dahil sa pagkaing maaaring makuha sa mga ito.

Bukod sa mga isda, isa pa sa mga kinakain ng mga Pilipino ay mga shellfish o mollusks na mahuhuli sa mga dagat at ilog. At isa sa mga sikat na shellfish ay ang balakwit na tinatawag din bilang bulaksik o aninikad sa ibang bahagi ng Pilipinas.

Larawan mula sa FB page na Pangangan Island Bohol

Sa isang Facebook post ng page na Pangangan Island Bohol, ibinahagi nila ang larawan ng sikat na seafood. Dahil nasa loob ng shell ang mollusk o laman na maaaring kainin, ginagamitan ito ng tooth pick, karayom, o anumang pangsukit.

Iba-iba rin ang lutuing ginagawa rito, depende sa paboritong putahe ng maghahanda. Ngunit ilan sa mga karaniwang luto sa aninikad ay tinola, ginataan, ginisa, at mayroon ding mga nag-iihaw nito. Paborito din itong ipares sa sawsawang suka, toyo, calamansi, at sili.

Dahil marami ang mayroong may paborito sa aninikad, balakwit, o bulaksik, nag-trending sa social media ang mga larawan nito. Sa kasalukuyan ay mayroon na itong 6,700 reactions na karamihan ay l0ve, 7,000 comments, at 73,000 shares.

Kanya-kanya ring bahagi ang mga netizen ng kanilang dahilan kung bakit nila paborito ang nasabing shellfish. Ayon sa kanila, lalo na iyong mga lumaki sa lalawigan at tabing-dagat, isa ito sa mga madalas lutuin ng kanilang mga magulang noon.

Larawan mula sa FB page na Pangangan Island Bohol

Ang iba nga, dinarayo pa raw ang mga sikat na restwaran at kainan sa kanilang lugar upang makatikim lang ng napakasarap na lutuing ito. Sabi naman ng ilan, ito raw ang specialty nila at paniguradong may ganito silang baon kapag may family outing o anumang okasyon.

Nag-crave naman ang marami kaya agad-agad raw silang magpapahanap ng shellfish na ito sa pinakamalapit na palengke. Habang ang ilan ay ibinidang pinupulot lang sa kanilang lugar ang mga nasabing lamang-tubig.

Ikaw, kumakain ka ba ng seafood na ito?