“Sana all manok!” Netizen may hugot sa mga ibinebentang fresh-cut chicken




Imahe mula sa Facebook account ni Chris John Cañarez / Public Domain Image
  • Napahugot ang netizen sa label na nakalagay sa sikat na brand ng fresh-cut chicken
  • Nasabi na lamang niya na “Sana all manok”
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga kapwa netizens

Tila nakaugalian na ng mga Pilipino sa kasalukuyan ang pag-iisip ng “hugot” o kaya naman ay pick-up line sa mga bagay na nakikita sa kanilang paligid; patunay lamang na napakamalikhain talaga ng pag-iisip at marami nang karanasan. Hindi nakalagpas dito ang nakasulat na deskripsyon sa isang kilalang brand ng mga fresh-cut chicken.

Nagdulot ng katuwaan ang hugot ng netizen na si “Chris John Cañarez” sa nakaimprentang deskripsyon sa Magnolia Premium Quality Breast kung saan makikitang binilugan pa ang nakasulat na “Raised in stress-free environments.”

Nailagay niya sa caption ng kaniyang Facebook post na “Sana all manok.”

Imahe mula sa Facebook account ni Chris John Cañarez / Public Domain Image

Mapagpatol naman ang mga kapwa netizens kaya nagbigay sila ng komento hinggil dito.

“So okay lang pala sa iyo na after 50 days katayin ka nang walang kalaban-laban? Oks sa’yo? Hahaha,” biro ng isa.

Turan naman ng isa, “Stress-free na talaga ang mga iyan kasi nakatay na sila hahaha, alangan naman na istresin pa yung manok?”

“Saan po ba yang stress-free environments na iyan at doon na kami manirahan? Hahaha,” wika naman ng isa.

Ang stress o minsa’y tinatawag na tensiyon o pagkapagod sa Filipino ay isang kalagayan kung saan ay dumaraan ang isang tao sa pakiramdam na nahihirapan, nababahala, nababalisa at tila nawawalan ng pag-asa. Ito ay bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay para sa maraming tao.

May antas ng stress na hindi naman nakapamiminsala; bagkus, ang tamang antas nito ay nakatutulong sa katawan at isipan na harapin ang mga hamon, pagsubok, at suliranin sa tuwing oras ng krisis, kagaya ng pandemya.

Bagama’t may magandang dulot ito sa tao, maaari din itong magdulot ng masasamang epekto kung hindi pamamahalaan nang mabuti. May ilang mga hakbang na maaaring makatulong upang mabawasan ang masamang epekto nito.

Public Domain Image

Ang ilan sa mga simpleng hakbang upang mapamahalaan ang stress ay ang mga sumusunod: manatiling positibo sa buhay, pahintulutan ang sarili na makaramdam ng lungkot paminsa-minsan subalit huwag pangmatagalan, makipag-usap sa mga kaibigan, kaanak, o kakilala, mag-ehersisyo, maglibang, at higit sa lahat, magdasal.