“Saksi” ng GMA Network, nagbigay-pugay sa ABS-CBN




Imahe mula sa Twitter account ni Raffy Tima
  • Nagbigay-pugay ang “Saksi” ng GMA Network sa ABS-CBN
  • Ipinakita nila sa pagtatapos ng newscast ang tower at logo nito
  • Umani naman ito ng papuri at paghanga sa mga netizens

Hinangaan ng mga netizens ang pagpupugay ng pinakamatagal na newscast program ng GMA Network na “Saksi” sa ABS-CBN noong Hulyo 10, 2020 matapos hindi sang-ayunan ng Kongreso ang franchise renewal ng kanilang pinakamahigpit na karibal sa loob ng maraming taon.

Si Raffy Tima ang naging kahaliling co-anchor ni Pia Arcangel sa Saksi dahil wala si Arnold Clavio, na pansamantalang pumalit naman kay Mike Enriquez sa 24 Oras.

Imahe mula sa Twitter account ni Raffy Tima

Sa pagtatapos ng newscast, hindi nakaligtas sa matalas na paningin at pakiramdam ng mga manonood ang diin sa closing spiels nina Pia at Raffy. “Para sa malayang Pilipino, kaisa kami ng lahat sa pagiging Saksi,” anila.

Pagkatapos nito, makikita sa backdrop ang video clip ng millennium tower ng ABS-CBN na nababalutan ng karimlan at sinundan ng lumang logo ng Kapamilya Network. Idagdag pa ang unti-unting pagkawala ng mga tunog at pagpailanlang ng katahimikan.

Sa kaniyang Twitter post, nagpasalamat si Tima sa pamunuan ng Saksi at inilagay rin ang tatlong puso na may kulay ng ABS-CBN. Isa si Tima sa mga Kapuso newscasters na sumusuporta para sa franchise renewal ng Kapamilya Network.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sobrang surreal ginawa ninyo kanina at the end of the newscast. Saludo ako sa inyo ni Pia, parang Balitanghali reunion ah. Pero sana huwag pa rin natin sukuan ang pag-defend sa press freedom at huwag manahimik sa mga nangyayari sa bansa. Laban lang tayo!” saad ng isa.

Public Domain Image

Turan naman ng isa, “Sir Raffy Tima and to those in the field in the current/media affairs in GMA News, please continue to uphold the true essence of journalism, for the benefit of the entire Filipino!”

“Kapuso para sa Kapamilya! Napakaikling pagtatapos ng pangungusap ngunit punumpuno ng puso… punumpuno ng laman… kudos!” wika ng isa.

Tinatayang may 11,000 empleyado ng network ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagbasura ng Kamara sa franchise renewal ng pinakamalaking tv network sa bansa.

Panoorin ang naturang pagpupugay ng Saksi via Twitter:

Source :

Twitter, Twitter, PEP