Pinto at gulong na pang-divider sa pag-angkas sa motorsiklo para sa social distancing, kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang dalawang larawang nagpapakita ng mga nakaangkas sa motorsiklo
  • Upang makasunod umano sa social distancing, binitbit ng isa ang malaki at mahabang pinto at inilagay sa pagitan 
  • Ang isa naman ay nakasuot sa butas ng magkakapatong na gulong
  • Papayagan na ang mga mag-asawa na sumakay nang magkaangkas sa motorsiklo

Isa sa mga patok at mabilis na paraan ng transportasyon ngayon ang paggamit ng motorsiklo. Tila lalong dumami ang mga motoristang gumagamit at nais na makagamit nito dahil sa pagkakatigil ng mga pampublikong sasakyan kagaya ng mga jeepneys dahil na rin sa community quarantines upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19. Isa naman sa mga ipinagbawal ang “angkas” o pagsakay ng dalawang tao sa motorsiklo, lalo na kung hindi naman magkamag-anak.

Kaya naman, kinatuwaan ng mga netizens ang dalawang larawang kumakalat sa social media platforms kung saan makikita ang dalawang diskarte ng magkakaibang tao upang mapanatili ang social distancing sa motorsiklo. Sa unang larawan, makikita ang isang babaeng may hawak na malaking pinto sa gitna nila nang nagmamaneho nito.

Imahe mula sa Facebook

Sa pangalawang larawan naman, makikitang ang nakaangkas ay nakasuot sa butas ng pinagpatong-patong na mga gulong ng sasakyan, na nagawang matakpan ang kaniyang katawan hanggang mukha.

Nagbunsod naman ito ng katatawanan sa mga netizens at hindi nila napigilang magkomento hinggil dito.

“Benta sa akin ito hahahaha. Pinto talaga? Baka hindi na maibaba ang kilikili pagbaba ng motor,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Matibay pa ‘yan sa marriage contract. Yung marriage contract baka magka-COVID-19 ka pa no’n walang assurance ‘yon hahaha.”

“Parang hindi ka nga matotodas sa COVID-19, mawawala ka naman sa suffocation o kaya sa aksidente hahaha,” wika naman ng isa.

Samantala, nitong Hulyo 9, 2020 ay inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na papayagan na ang mga mag-asawa o married couples na sumakay nang magkaangkas sa motorsiklo; kailangan lamang umano nilang magdala ng marriage contract bilang katunayan.

Public Domain Image

Nilinaw ni DILG Secretary Eduardo Año na magsisimula ang implementasyon nito sa Biyernes, Hulyo 10.

Aniya, “Ang sinasabi nating couple, ito ‘yung mga husband and wife, common-law husband and wife, married couple, boyfriend and girlfriend… as long as they’re living in one household.”

Samantala, nilinaw rin ni Roque na hindi pa maaaring bumiyahe ang mga “Angkas” dahil paso na ang prangkisa nito upang magbalik-operasyon.