Pinaka-cool na gadget: Japan naglabas ng isang air conditioning unit na maaaring isuot sa katawan




Larawan mula sa Sony
  • Inilabas ng Sony ang pinakabago nilang device na papawi sa alinsangan ng mga mamamayan
  • Tinatawag na Reon Pocket ang isang wearable air conditioning device na mula sa bansang Japan
  • Maaaring i-control ang portable aircon sa pamamagitan ng isang mobile application

Sa isang bansang tropikal tulad ng Pilipinas, kalaban ng mga mamamayan ang madalas na maalinsangang panahon. Kahit hindi summer, masasabi mong matindi ang init sa bansa kahit na paminsan-minsan ay may pag-ulan at may epekto ang hanging Amihan.

Kaya naman maituturing na biyaya para sa bansa ang isang bagong imbensyon mula sa bansang Japan. Ang pampapresko kasing appliance sa bahay na air conditioning unit, maaari nang madala kahit saan, kahit kailan dahil ginawa na itong isang wearable device.

Larawan mula sa Sony

Inlunsad ng electronic company na Sony ang tinatawag nilang Reon Pocket, isang maliit at maaaring isuot na air conditioning unit. Sa opisyal na webpage ng produkto, ibinida ng Sony ang wearable aircon na maaaring gamitin kasama ang special shirt na yari sa polyester fabric.

Sa likod ng nasabing shirt, ay mayroong bulsa kung saan maaaring isuot ang portable aircon na kasya rin sa bulsa. Gayunman, mas inirerekomenda ng Sony na ilagay ito sa likurang bahagi upang maramdaman daw ng buong katawan ang lamig.

Maaari ding kontrolin ang wearable aircon sa pamamagitan ng isang mobile application. Pwedeng ilagay sa cool o warm mode na para talagang isang aircon na ginagamit sa bahay. Maaari ding i-set ang timer upang kusang mag-off ang device.

Kapag naman magbibiyahe o maglalakad sa init ng araw, may special feature ang device kung saan made-detect nito ang temperatura sa labas at kusang mag-a-adjust ang device sa lamig na kailangan ng katawan upang manatiling presko sa gitna ng maalinsangang panahon.

Larawan mula sa Sony

Ngunit maaari namang gamitin sa anumang paraang gusto ang wearable aircon. Maaari itong gawing pampalamig sa mukha, leeg, o kung saan maaaring ilagay sa katawan. May karagdagang bayad kasi ang pagkuha ng special shirt na bulsa sa likod.

Ipinagbibili ang Sony Reon Pocket sa halagang 13,000 Japanese Yen o nasa halos P6,000. Mas mahal naman kung sa retailers ito bibilhin dahil aabot hanggang sa 17,600 Japanese Yen ang halaga nito. Samantala, 1,980 Japanese Yen naman ang halaga ng special shirt.

Panoorin ang promotional video ng Sony Reon Pocket:

Source :

YouTube, Sony