Netizen: “Selfie muna bago ipamigay sa ibang jeep”




Imahe mula sa Facebook page na Rant / Public Domain Image
  • Kinatuwaan ng mga netizens ang isang larawan
  • Selfie ito ng isang lalaking nasa loob ng bakanteng jeepney; mukhang siya na lamang ang pasahero
  • Caption para dito: “Selfie muna bago ipamigay sa ibang jeep”

Aminin man o hindi, isa sa mga nami-miss ng mga Pilipino ngayon ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan na walang iniintinding COVID-19 na maaaring maging banta sa kalusugan ng tao. Kagaya na lamang sa loob ng mga jeepney.

Kaya naman, isang netizen na itinampok sa Facebook page na “Rant” ang nagdulot ng nostalgia sa mga netizens dahil sa pagkuha niya ng selfie sa loob ng sinasakyang jeepney, na maaaring kuha pa noong wala pang pandemya, at wala pang harang na divider sa mga upuan. Nakalagay sa caption na “Selfie muna bago ipamigay sa ibang jeep.”

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Ang “ipamigay sa ibang jeep” na tinutukoy sa caption ay ang pagpapalipat ng driver sa mga pasahero sa ibang jeep kapag sa tingin niya ay maaari pa siyang bumalik at makabiyahe ulit o tinatawag na “cutting trip.” Isa ito sa mga diskarte ng mga jeepney drivers upang mas madagdagan ang kita, lalo na sa mga nangangailangan ng quota at pambayad sa boundary.

Marami naman sa mga netizens ang nakaugnay dito.

“Oo, ganiyan din kadalasan ang mga jeepney drivers sa amin. Para mas makarami. Kaya kapag mag-isa ka na lang sa loob ng jeep, magdasal-dasal ka na hahaha. Kasi baka maisipan ng driver na palipatin ka na,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Medyo nakakainis sa part ng pasahero na kompleto naman ang binayad mo, tapos ang ending palilipatin ka pa, lalo na kapag gustong-gusto mo ang puwesto mo sa loob ng sasakyan. Pero syempre need din natin silang unawain. Magparaya na lamang.”

Public Domain Image

“Lagi kong nakakasagutan ang mga drivers kapag ganiyan. Hindi ko pa naman mapigilan ang bibig ko kapag feeling ko parang may maling nangyayari hahaha. Pero ngayong panahon ng pandemya, medyo nakakaawa rin ang karamihan sa kanila kasi nawalan sila ng hanapbuhay.”

Ikaw, naranasan mo na rin bang mag-selfie dahil ipamimigay ka na sa ibang jeep?

Source :

Facebook