Netizen ibinida ang transpormasyon ng napulot at inalagaang pusa




Imahe mula sa Facebook page na Pusang Pinoy
  • Ipinagmalaki ng isang netizen ang malaking pagbabago sa anyo ng kaniyang pusa
  • Napulot lamang niya umano ang noo’y payat na si “Siopao” at inalagaan
  • Makalipas ang halos isang taon, tumaba na ito at lumitaw ang kagandahan ng mga balahibo

Hindi lamang ang mga tao ang may karapatang makapagtamasa ng kalayaaang mabuhay at magkaroon ng maayos na tahanan kundi maging ang mga hayop. Bukod sa mga aso, isa sa mga pinakapaboritong alagang hayop sa bahay ang mga pusa. Bukod sa nakatatanggal ng pagod ang kanilang paglalambing, nakatutulong din sila upang mabawasan o tuluyang mawala ang mga daga sa loob ng bahay.

Kaya naman, nagdulot ng inspirasyon sa mga netizens ang ibinahaging transpormasyon ng isang pusa sa Facebook page na “Pusang Pinoy.” Ayon sa post, mula umano ito sa isang cat lover na nagngangalang “ER Noel Manaois” kung saan isinalaysay niya ang transpormasyon at kung paano niya napulot at inaruga ang pusang si “Siopao.”

Imahe mula sa Facebook page na Pusang Pinoy

“Transformation Tuesday. Iyan po yung cat ko si Siopao. July 19 last year nang nakuha ko siya sa labas ng bahay namin, 1:00 AM umuulan noon. Sobrang skinny at hindi pa kaya mag-digest ng food, ngayon happy fat cat na siya. Living his name,” ayon sa may alaga kay Siopao.

Kitang-kita nga sa mga kalakip na larawan ni Siopao ang pagbabago sa pisikal na anyo ng pusa. Mula sa payat at malungkot, makalipas ang halos isang taon, tumaba at nagkaroon ng kulay ang mukha ng mapalad na alaga. Masaya rin umano ito dahil may kalaro itong pusa na nagngangalan namang Siomai.

“Neutered rin sila noong nag 5 months old sila ni Siomai, yung isang cat na na-adopt ko noong August last year din para may kalaro si Siopao,” aniya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“What a beautiful transformation! Thank you for your love and patience to this kitty,” pasasalamat ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Tama iyan! Makikita talaga sa hitsura ng alagang pet kung anong uri o klase ng mga tao ang nag-aalaga sa kanila. For sure mapagmahal sa tao ang may-ari ng pusa na iyan kasi kaya niyang alagaan ito.”

Imahe mula sa Facebook page na Pusang Pinoy

Sa Pilipinas, naniniwala ang karamihan na ang pusa ay may siyam na buhay, at mamalasin ang sinumang “makapatay” nito. Isinasalba rin umano ng pusa ang kaniyang amo mula sa kapahamakan.

Mahalin natin ang ating mga alagang hayop dahil tiyak na mamahalin din nila tayo!

Source :

Facebook