“Nagmamagandang” kambing, kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Papa/Public Domain Image
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang kambing na “nagmamaganda” sa isang larawan
  • Bibihirang pagkakataon ang mga ganitong awra mula sa mga hayop
  • Isa ang mga domestikong kambing sa mga pinakamatagal at pinakamaamong specie ng mga hayop sa daigdig at pinakikinabangan ang gatas, karne, buhok at katad

Maliban sa baka at kalabaw, isa sa mga kilalang alaga sa bukid ang mga kambing. Bukod sa sila ay nakatutulong sa mga gawaing pambukid, malaki rin ang pakinabang na nakukuha sa kanilang mga gatas na maaaring gawing keso, gayundin sa kanilang laman na maaaring gawing ulam na caldereta.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng isang kambing sa Facebook page na “Papa,” dahil sa kakaibang pag-awra o posing nito sa larawan. Para kasing “nagmamaganda” ito at game na game sa pag-posing, at tila ipinagmamalaki ang kulot na buhok.

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ang cute naman po ng kambing! Sarap alagaan hahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Saan kaya iyan? Naalala ko yung kambing namin, ganiyan din kaganda. Kaya lang naibenta na namin. Goldie ang name niya hehehe.”

“Wow ang galing naman ng kambing. Cutie!” wika ng isa.

Isa ang mga domestikong kambing sa mga pinakamatagal at pinakamaamong specie ng mga hayop. Sa loob ng libong mga taon, ginagamit sila para sa kanilang gatas, karne, buhok at katad. Sa relihiyon, iba ang ipinahihiwatig ng kambing: ito ay sinisimbolo ng demonyo o kampon ng kadiliman.

Public Domain Image

Pagdating naman sa pagkain, bukod sa caldereta ay maaari ding iluto ang karne nito sa papaitan, isang uri ng ulam na nangingibabaw ang pait, batay na rin sa pangalan nito. Nagsimula ito sa mga Ilokano. Ang nagbibigay-pait sa ulam ay ang goat bile o “apdo” na kinakailangang linising mabuti bago lutuin.