Mga Hermes tablewares ni Heart Evangelista, itinampok ng isang netizen




Imahe mula sa Instagram account ni Heart Evangelista
  • Sinaliksik ng isang netizen ang presyo ng mga Hermes tablewares na itinampok ni Heart Evangelista sa kaniyang YouTube Channel
  • Bukas na aklat sa lahat na talagang sosyal at mayaman ang pamilya nina Heart kaya afford na afford niya ang iba’t ibang mga branded at imported niyang kagamitan na ibinabahagi niya sa mga social media platforms
  • Suportado naman ito ng tagahanga at netizens; wala naman daw masama dahil pinaghirapan naman ito ng aktres

Kilala bilang sosyal, fashionista, at lumaking “may gintong kutsara sa kaniyang bibig” ang aktres na si Heart Evangelista o Love Marie Ongpauco-Escudero sa tunay nitong pangalan, na misis ni dating senador at ngayon ay gobernador ng Sorsogon na si Francis “Chiz” Escudero.

Hindi na nakapagtatakang ang mga gamit niya ay mamahalin at branded. Bukas na aklat sa mga netizens ang iba’t ibang mga branded at imported niyang kagamitan na ibinabahagi niya sa mga social media platforms. Kaya naman, isang vlogger na nagngangalang “Nelson Adrian” ang nagtampok sa mga Hermes tablewares ng aktres sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Image capture mula sa YouTube Channel ni Heart Evangelista / Nelson Adrian

“Heart Evangelista’s #HERMÈS Tableware Collection,” ayon sa caption ng netizen.

Inisa-isa ng netizen ang presyo ng bawat Hermes tablewares na ipinakita ni Heart, batay sa kaniyang pagsasaliksik. Halimbawa, ang Hermes Balcon Du Guadalquivir Red Presentation Plate ay 21,648.00 piso ang isang piraso. Ang Hermes Balcon Du Guadalquivir Tea Cup and Saucer naman ay may 9,594.00 piso sa bawat pares.

Ang Red American Dinner Plate naman ay nagkakahalagang 8,364.00 piso kada piraso. 6,396.26 piso naman presyo ng isang pirasong Dessert Plate.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ma’am Heart, pa-barter po! Your Hermes plate to 1 pack of Yakult and 13 cans of Spam. Dagdagan ko na rin ng snake plant. Hahaha. Char lang po,” pabirong saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Nobody can blame others for their wealth. They have earned it. It is not Heart’s fault to have been born rich.”

“Parang nakakatakot naman maging dishwasher ni Heart. Paano kapag nabasag iyan ng kasambahay? Baka kulang pa ang isang taong suweldo sa pagbayad niyan,” wika ng isa.

Imahe mula sa Instagram account ni Heart Evangelista / Facebook account ni Nelson Adrian

Pahayag naman ng isa, “Nakakita na ako ng mga ganitong plato, yung branded talaga kagaya ng Versace. Itong Hermes, noong nagpunta kami sa HK, magaganda talaga at ang kapal ng glass. Kaya tama lang na ganiyan ang presyo niyan, tsaka high-end brand kasi kaya hindi puchu-puchu ang price.”

“Kaloka ang presyuhan. Pero kung mayaman nga rin naman ako malamang ganiyan din collections ko, kanya-kanyang trip lang iyan. Besides, hard-earned money naman niya iyan,” sabi naman ng isa.

Ang mga kuhang larawan na itinampok niya ay mga screenshots mula sa YouTube channel ng aktres.