Magkakampi sina Valentina at Darna: Alessandra pinalagan ang mga taong gumagawa ng isyu sa kanila ni Angel




Public Domain Image
  • Pinalagan ni Alessanda de Rossi ang mga isyung pinariringgan daw niya si Angel Locsin
  • Nagmula ito sa isang Twitter post ni Alex hinggil sa paglabas ng bahay at pagsali sa rally
  • Matandaang kinalampag ni Angel ang ilang mga kasamahang artista sa ABS-CBN na magsalita at ipaglaban ang mga kasamahang nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya, dahil sa denial ng franchise renewal ng network

Nilinaw ni Alessandra de Rossi na walang namamagitang tensiyon o sigalot sa pagitan nila ni Angel Locsin, at hindi totoong pinariringgan niya ito noong kasagsagan ng panawagan nito sa mga kapwa-artista ng ABS-CBN na magsalita na rin hinggil sa isyu ng denial ng Kamara sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Sa pamamagitan ng kaniyang Twitter post, giit ng aktres na bida sa pelikulang “Through Night and Day” na huwag silang pag-awayin ni Angel. Maayos daw ang kanilang relasyon at mataas ang paggalang niya rito. Subalit kahit bilib siya rito, iba naman siya at iba ang paniniwala niya.

Imahe mula sa Twitter account ni Alessandra de Rossi

“Please wag kami ni Angel. Mahal ko siya at iba respeto ko sa tapang niya. Sa totoo lang, paano ba siya pwede pasalamatan sa mga nagawa niya para makatulong sa bansa? Lahat ng sulok, narating niya. Bilib ako pero, hindi ako siya. May respeto rin siya sa akin na takot lumabas,” pahayag ni Alessandra sa kaniyang Twitter.

Sa isa pang Twitter post, may pakiusap din siya sa mga netizens na gumagawa ng malisyosong headlines na huwag silang gawan ng gulo.

Binanggit pa niyang magkakampi sa tunay na buhay sina Darna at Valentina. Matatandaang ginampanan ni Alessandra ang iconic na kalaban ni Darna na si Valentina sa telefantasya nila sa GMA Network.

“Nakikiusap ako sa mga gumagawa ng gulo at headline. No!!! Mahal ko ‘yan! Kung may gusto akong sabihin sa kanya, itatawag ko na lang. Bakit magpaparinig? Iba siya, iba ako. Iba laban niya, iba rin sa akin. Magkakampi si Darna at Valentina sa totoong buhay. I love you Angel ng lahat!” ani Alessandra.

Sa kasagsagan kasi ng noise barrage sa bakuran ng ABS-CBN noong Hulyo 19 kung saan nagbitiw ng matinding pahayag si Angel sa mga kapwa-Kapamilya stars na magsalita at ipagtanggol ang mga kasamahang nawalan ng trabaho, sinagot ni Alex ang ilang intrigerong netizens sa Twitter:

“May COVID. Maawa ka. Tsaka di ako okay (mentally) pag madaming tao. Birthday party nga, di ako umaattend, rally pa?” saad ni Alex sa kaniyang Twitter post  na pinagmulan ng isyu.

Imahe mula sa Twitter account ni Alessandra de Rossi

Huling panawagan ni Alex, “Wag ako. Wag kami. Wag ngayon. Hindi ito ang tamang oras para magsisihan at magpagalingan. Kanya-kanya ‘to. Respeto. Respetooooo. Salamat po. Rakenrowl.”

Muling naging matunog ang pangalan ni Alessandra dahil sa tagumpay sa Netflix ng pelikulang “Through Night and Day” katambal si Paolo Contis na naunang ipinalabas sa mga sinehan noong 2018 subalit aminado silang hindi tumabo sa takilya.

Alessandra de Rossi sa pagtulong ni Angel Locsin: “Turn down ko na ‘yung Valentina, ‘di ka dapat kinakalaban”

Sa isang tweet noong Mayo, sinabi ni Alessandra de Rossi, na hindi na raw dapat  kinakalaban si Angel.

Nagbiro pa ito na sa susunod na i-offer sa kanya ang role na Valentina ay hindi na raw niya ito tatanggapin. Hindi raw dapat binabangga si Angel dahil bukod sa malakas na ito ay mabuti pa ang kalooban.

“Darna is Darna at kausap ko lang siya kanina, hindi pa rin siya tumitigil sa pagtulong sa kapuwa. Kung alam n’yo lang mga nasakripisyo niyang pansarili to help. Grabe talaga. Angel Locsin, next time, turn down ko na yung offer na Valentina. Dapat di ka kinakalaban at all,” tweet ni Alessandra.