Mag-asawa, inilagay ang wedding photo sa harap ng motor upang payagang bumiyahe nang magkaangkas




Larawan mula sa Facebook page na Di Umano
  • Puwede na raw bumiyahe nang magkaangkas sa motor ang mga mag-asawa, ayon sa pamahalaan
  • Kaya naman bilang patunay ng kanilang relasyon, isang mag-asawa ang naglagay ng wedding photo sa harap ng motor
  • Maraming netizens naman ang natuwa sa ideyang ito at agad na nag-viral sa social media

Kamakailan ay inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pahihintulutan na ang pag-angkas sa motor ng mga mag-asawang komyuter. Ang requirement lang ng mga awtoridad ay magbigay ang mga ito ng photocopy ng marriage contract nila sa mga checkpoint at gumamit ng barrier na aprubao na ng LTO.

Pero bago pa man ihayag ng Malacañang ang kanilang pahintulot sa pag-angkas ng mag-asawa sa motor, una nang gumawa ng diskarte ang isang mag-asawa upang ipagsigawan sa lahat na mag-asawa sila at puwedeng-puwedeng sakyan ang motorsiklo nila nang magkasama.

Larawan mula sa Facebook page na Di Umano

Sa isang post ng Facebook page na Di Umano, makikita ang mag-asawang magkaangkas sa motor, suot ang helmet, at ang agaw pansin nilang wedding photo na nakalagay sa harap ng motor. Hindi lang basta-basta wedding photo ito kung hindi nasa isang malaking frame pa.

“Hello DILG! Pwede na po ba ito?” pabirong caption ng larawan. Makikita rin sa ibabaw ng wedding picture ang marriage contract ng mag-asawa.

Dahil sa witty na solusyon na ito, agad na nag-trending ang larawan sa social media. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 35,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 3,800 comments, at 66,000 shares ang post; dalawang oras pa lamang matapos ibahagi.

Patunay na ang pag-trending ng post na maraming nag-aabang sa muling pagpayag ng pamahalaan sa pag-angkas sa motor, lalo na sa mga mag-asawa na kung hindi man magkaangkas sa motor ay magkasama naman sa iisang bubong at tulugan.

Larawan mula sa PNA

Pahayag ng ilang netizens, lusot na lusot na raw ang mag-asawang ito kung sakaling maharang sa lansangan sa oras na ipatupad ang pagpapahintulot sa pag-angkas. Ayon sa kanila, isama na rin daw ng mga ito ang iba pang bagay na may kinalaman sa kanilang kasal.

Ang ilan naman na walang frame ng wedding photo, sinabing baka maaari na ring gamitin ang mga uploaded na larawan sa social media bilang ebidensya ng kanilang pagsasama.